KUNG pagbabatayan ang banta ng bagong talagang Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, pihadong may kalalagyan ang isang opisyal ng Port of Manila na paksa ng isang reklamong idinulog ng ilang lehitimong importers kaugnay ng diumano’y “panggigipit para sa patalim sila’y kumapit.”
Ayon kay House Assistant Majority Leader Jeffrey Soriano, personal siyang binisita sa kanyang tanggapan sa Kamara ng mga negosyante at kinatawan ng mga kumpanyang umaangkat ng mga kalakal mula sa ibang bansa.
Sumbong umano sa kanya, kinikikilan sila ng isang Marivin Edrada kaugnay ng kanilang naipit na kargamento sa naturang BOC district collection office.
“May mga importers na lumapit sa atin na nagrereklamo at nagpapatulong imbestigahan si Marivin C. Edrada na isang Principal Examiner sa Sec 7 Port of Manila. Ang sumbong nila, iniipit daw ni Edrada na mailabas ang mga kargamento at container na laman ang kanilang mga produkto at tinataasan ang value nito para makakolekta ng mas malaking tara,” sambit ng kongresista.
“Wala silang magawa, kaya napipilitan sila na magbigay na lang para ma-release na yung mga kargamento. Kasi kung hindi, maapektuhan lalo ang kanilang negosyo. Lugi na nga sila dito, dahil minsan umaabot sa 100k yung hinihingi ni Edrada,” dagdag pa niya.
Kasabay nito, isusulong rin aniya ang isang resolusyong magbibigay-daan para sa isang congressional inquiry kaugnay ng kalakaran ng katiwalian sa
naturang kawanihan.
“We intend to file a House Resolution investigating this matter. Matagal na may ganyan sa Customs, dapat na talagang linisin. Maraming negosyante, pati na rin ang mga maliliit na negosyante na umaasa sa mga produkto galing ibang bansa, ang nagsara ng negosyo ngayong pandemya dahil na rin sa ganitong pang-aabuso ng kapangyarihan sa Customs. Imbes na makaahon sila, lalo pa silang pinapahirapan at nasasadlak na malugi,” pahayag pa ni Soriano.
Higit aniyang nararapat sa ilalim ng administrasyon ng bagong Pangulo ang isang malinis na gobyerno – bagay na posible lamang aniya kung masasampolan ang mga tiwali sa gobyerno.
“Sabi nga ni President Bongbong Marcos, corruption will have no more place in his administration, particularly in Customs. Bagong pamunuan, malinis na kalakaran na. Kasama tayo ng ating Pangulo na panagutin ang mga ganitong opisyales at empleyado ng pamahalaan na pansariling interes ang inuuna. Wala kayong lugar dito, lalo sa ilalim ng administrasyon ni PBBM.
Tiwala tayo na maaksyunan agad ito dahil kilala ang ating bagong Customs Commissioner na si Comm. Yogi Filemon Ruiz bilang isang Action Man at galit sa korapsyon,” pagtatapos ng dismayadong mambabatas. (ANGEL F. JOSE)
256 