DA-DOT HAWAK-KAMAY PARA PASIGLAHIN FARM TOURISM

PINALAKAS ng Department of Agriculture (DA) at Department of Tourism (DOT) ang alyansa para gawing mas buhay at mas kita ang turismo sa kanayunan.

Pormal na nilagdaan nina Tourism Secretary Christina Garcia Frasco at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang memorandum of agreement noong Pebrero 16, na mag-uugnay sa agrikultura at travel industry upang itulak ang Pilipinas bilang pangunahing food at gastronomy destination sa Asya.

Nakaangkla ang kasunduan sa mga umiiral na batas tulad ng Tourism Act of 2009, Farm Tourism Development Act of 2016 at Agriculture and Fisheries Modernization Act of 1997 na pawang nagsusulong ng modernisasyon ng agrikultura at pag-unlad ng agri-tourism.

Sa ilalim ng MOA, palalawakin ang farm tourism destinations, itatampok ang lutuing Pilipino, at iuugnay ang Farm-to-Market Roads sa tourism circuits sa ilalim ng Tourism Road Infrastructure program para mas mapadali ang access sa mga sakahan at bagong destinasyon.

“Hindi lang ito dagdag tourist stop. Structural intervention ito para sa agrikultura,” diin ni Tiu Laurel.

Aniya, layon nitong lumikha ng matatag na institutional demand para sa lokal na ani at isama ang sektor ng agrikultura sa mas malawak na serbisyo at ekonomiya.

“Kapag ang hotel at restaurant ay kumukuha sa mga Pilipinong magsasaka, pinasisigla natin ang rural investment, trabaho at mas malawak na economic activity,” dagdag ng kalihim.

(PAOLO SANTOS)

8

Related posts

Leave a Comment