DADAMPUTING SUSPEK SA SALAMIDA SLAY, ‘DI SANA FALL GUY

NANGANGAMBA ang malalapit na mga kaibigan, katrabaho at kamag-anak ni Gwen Salamida na mauwi lamang sa pag-aresto ng mga awtoridad sa “fall guy” na mga suspek sa pagpatay sa biktima.

Kaya hiling nila ngayon sa mga awtoridad na nag-iimbestiga na silipin ang lahat ng mga anggulo sa pamamaril.

Hindi kasi kapani-paniwala ang motibo ng pamamaril kina Gwen Salamida at Oliver Perona na holdap.

Una, naka-lockdown nang mangyari ang insidente ng pamamaril kina Salamida at Perona noong Agosto 17 habang nasa loob sila ng GOTT salon and spa sa Quezon City.

Siyempre sa panahon na ‘yan maraming checkpoints ng mga awtoridad sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, bakit nakapagdala ng baril ang mga salarin?

Kung holdaper man sila, may makukuha ba silang pera sa establisyemento na ‘yan sa panahon ng lockdown?

Kaya pinagdudahan na ang pagpatay kay Salamida ay may kaugnayan sa pagpatay kay Adam Moraleta, dalawang taon na ang nakalilipas, na isa ring mediaman na kaibigan ng biktima.

Binaril din si Moraleta na dating kasama ni Gwen sa dati nilang pinagtatrabahuang pahayagan bago pa siya napunta sa SAKSI NGAYON bilang advertising manager.

Maaaring pinalamig muna ang isyu ng ­pamamaril kay Moraleta bago isinunod si Salamida.

Batay po sa salaysay na ibinigay sa mga pulis ni Jab Daven Clava, Grab Food driver, nag-deliver siya ng pagkain sa mga biktima nang biglang may sumulpot na isang lalaki na may dalang baril at biglang pinaputukan si Salamida at isinunod si Perona.

Posibleng matagal nang nag-aabang ang mga suspek sa lugar at tiniyempuhan ang pag-deliver ng Grab driver sa inorder na pagkain ng mga biktima para makapasok sa salon and spa na pag-aari ni Salamida.

Batay sa paglalarawan, ang gunman ay nakasuot ng itim na t-shirt, itim na bull cap, itim na face mask at ang driver naman nito ay nakasuot ng puting jacket at helmet na nakasakay sa motorsiklong hindi naplakahan.

Dapat alamin din ng pulisya kung may CCTV sa lugar kung saan nangyari ang pamamaril para sa pagkakakilanlan ng mga suspek at upang makuha ang plaka ng motorsiklong kanilang ginamit.

Kaya nagkakaisa ngayon ang mga kaibigan, katrabaho at kamag-anak ni Salamida na hilingin kay PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar at iba pang nag-iimbestiga sa krimen, na silipin ang anggulong pagpatay kay Moraleta.

Kalkalin din ang mga nakaalitan ni Salamida na maaaring magbigay ng ­linaw sa pamamaril sa biktima at sa kasama nito.

“Huwag naman po sanang humantong sa pagdampot ng ‘fall guy’ na mga suspek para lang ­masabi na naresolba agad ang pamamaril sa mga biktima,” nagkakaisang pahayag nila.

Pinaniniwalaan din nila na maimpluwensiyang tao ang utak ng pamamaril kina Salamida at Perona na nag-hire pa ng mga kriminal para sadya siyang itumba.

Sana naman hindi maisama sa listahan si ­Salamida sa mga taga-media na hindi nabigyan ng hustisya ang kanilang pagkamatay.

Suhestiyon tuloy ng mamamayan, dapat daw lahat ng media ay magdala na ng baril.

‘Pag nangyari ‘yan parang wala nang silbi ang ­ating mga awtoridad.

Panahon na para magkaisa ang lahat ng mga miyembro ng media na kondenahin at labanan ang ganitong klaseng karahasan laban sa mga mamamahayag.

Sinasabing may demokrasya sa bansa natin, pero patuloy ang pamamaslang sa ating mga kasamahan.

Totoo bang nasa demokrasya tayo o baka naman peke ang ating demokrasya?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com.

190

Related posts

Leave a Comment