BAGAMAN balik-trabaho ay limited onsite operations lang sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ang re-classifications ay nagbibigay puwang pa rin sa pagpapatupad ng localized o granular lockdowns sa mga lugar na kritikal.
Samantala, ang mga lokal na pamahalaan sa mga nasabing lugar ay inatasan na pagbutihin ang kanilang vaccination rates, Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) strategies at pagsunod sa Minimum Public Health Standards.
Ang pinakahuling IATF resolution ay nakatuon sa targeted restrictions, limitadong non-essential activities at re-calibrated actions sa specific high-risk activities.
Sa panahon ng MECQ sa NCR, Laguna at Bataan, ang indoor at al-fresco dine-in services, at personal care services kasama na ang beauty salons, beauty parlors, barber shops at nail spas ay hindi pinapayagan.
Pinapayagan naman ang necrological services, wakes, inurnment at funerals, subalit malalapit na pamilya lamang o immediate family members ng yumao na hindi COVID-19 ang dahilan ng pagkamatay at kailangang magpresenta ng sapat na katibayan ng relasyon sa yumao at kailangan din na sumunod sa minimum public health standards.
Inaprubahan naman ng IATF ang pagbuo ng sub-Technical Working Group para magdisenyo, mag-deploy, sumuporta at magrekomenda ng mga polisiya na may kinalaman sa national certificate para sa COVID-19 vaccinations, o mas kilala bilang “VaxCertPH.”
Nauna rito, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) nitong Huwebes na ilagay ang National Capital Region (NCR) at ang lalawigan ng Laguna sa ilalim ng MECQ simula ngayong Agosto 21 hanggang Agosto 31, 2021. (CHRISTIAN DALE)
305 