DALDAL NI ESCUDERO SINOPLA NI CARPIO

SINOPLA ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio si Senate President at Impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero sa pagbibigay nito ng komento ukol sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Nauna rito, kinuwestyon ni Escudero ang aniya’y hindi pagkibo noon ni Carpio sa impeachment case ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Tugon ni Carpio, hindi siya nagbigay ng anomang komento dahil miyembro siya ng Korte Suprema noon.

“I was in the Supreme Court since 2001, and as a member of the Supreme Court, I cannot be complaining because that case could reach us,”paglilinaw ni Carpio.

Ang pahayag ni Carpio ay kaugnay sa paghawak ng Senado sa impeachment case bilang impeachment court.

“[T]here is a provision in the Senate rules on impeachment. It says, the presiding officer and the senator-judges shall refrain from commenting on the merits of the impeachment case. So dapat sila huwag mag-comment,” ani Carpio sa isang panayam.

Binigyang-linaw ni Carpio na maaari na siyang magbigay ng komento sa kasalukuyan dahil nasa pribado na siyang buhay bilang mamamayan ng bansa.

“[T]he gag rule is there in the Senate rules. The Senate — the presiding officer, and the senator-judges — shall refrain from commenting publicly on the merits of the impeachment case,” giit ni Carpio.

Magugunitang noong Hunyo 10 ay nag-convene ang Senado bilang impeachment court kung saan, sa botong 18-5 ay ibinalik sa Kamara ang articles of impeachment sa pagtitiyak na hindi nila tinatalikuran ang kanilang resposibilidad sa reklamo kasunod ng mosyon na inihain ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na inamyendahan naman sa huli ni Senador Alan Peter Cayetano.

Nilinaw ni Carpio na hindi rin maikukumpara ang sitwasyon ni Gutierrez dahil nagbitiw na siya sa puwesto at hindi na siya public officer kung kaya’t wala nang dahilan upang magkaroon pa ng paglilitis kumpara sa kaso ni Duterte na hanggang sa kasalukuyan ay nasa kanyang puwesto.

Kaugnay nito, suportado naman ni constitutional law professor and lawyer Howard Calleja ang bagong pahayag ni Carpio.

Ayon kay Calleja, marapat lamang na manahimik ang senator/judges bilang bahagi ng kanilang judicial ethics.

31

Related posts

Leave a Comment