PAGPAPAKITA ng kahinaan ng digitalization program ng administrasyong Marcos Jr. na protektahan ang data privacy ng mamamayan ang nangyaring hacking sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) data.
Ngayong Martes, kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology (DICT), na sinimulan na ng hackers na ilathala sa dark web ang ilang data sa PhilHealth kabilang ang mga impormasyon ng mga empleyado nito.
Ito ay matapos hindi ibigay ng pamahalaan ang kahilingan ng hackers na nagpakilalang Medusa ransomware.
Base sa inisyal na impormasyon mula sa DICT, kabilang sa mga inilathala ng hackers ang PhilHealth employees’ identification cards, gayundin ang Government Service Insurance System IDs.
Ayon kay DICT Undersecretary Jeffrey Dy, maaaring panimula pa lamang ito ng iba pang ibabahaging impormasyon ng hackers sa dark web habang hinihintay na ibigay ng pamahalaan ang hinihingi nilang ransom.
Nauna nang inihayag ng DICT na humihingi ng $300,000 o P17 milyon ang mga hacker kapalit ng decryption keys, pagbura at hindi paglalathala ng mga data na kanilang ninakaw.
