DATING DH, 3 PA HULI SA BUY-BUST

BINITBIT ng mga operatiba ng Manila Police District-Station Drug Enforcement Team ng Sta. Cruz Police Station 3, ang isang babaeng dating domestic helper, na target ng inilatag na buy-bust operation, at tatlo pang sangkot sa ilegal droga sa Sta. Cruz, Manila nitong madaling araw ng Miyerkoles.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article 2 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek na si Anisa Sandad y Sambilan alyas “Sarah,” 24, tubong Lagao, Maguindanao, may asawa, isang dating domestic helper at residente ng 12th Street, Port Area, Manila

Samantala, nahaharap naman sa kasong paglabag sa Section 11, Article 2 ng RA 9165 sina Jeric Lacaden, alyas “Jekjek,” 31, tubong Batangas City, construction worker, at residente ng Paquita St. sakop ng Brgy. 463, Sampaloc, Lawrence Engelbert Canlas, alyas “Jojo,”, 48, may asawa, driver, ng Musa St. sakop ng Brgy. 515, Sampaloc, at Jeffrey Colina alyas “Rekrek,” 17, estudyante ng Carlos P. Garcia St., sakop ng Brgy. 118 sa Tondo.

Batay sa ulat na isinumite ni P/Major Pidencio Saballo Jr., hepe ng SDET, kay P/Lt. Col. John Guiagui, station commander, bandang alas-2:40 ng madaling araw nitong Hulyo 28 nang ilatag ang buy-bust operation sa target na si Sandad sa Maria Clara St. malapit sa panulukan ng Langit St. sa Brgy. 342 sa Sta. Cruz, Manila.

Ayon kay P/SMS Rommel Rey, team leader ng SDET, P500 marked money ang kanilang pinain sa pagbili ng shabu at isa sa kanilang tauhan ang nagsilbing poseur buyer.

Nang magkaabutan ng droga kapalit ng pera ay dinamba ng mga awtoridad si Sandad at ang tatlo nitong kasabwat.

Nakumpiska sa mga suspek ang anim na sachet na hinihinalang shabu na tinatayang 44 gramo at P299,200 ang street value. (RENE CRISOSTOMO)

147

Related posts

Leave a Comment