DATING OFW DUMULOG SA AKO-OFW DAHIL SA LUMOLOBONG TIYAN

AKO OFW ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

HINDI naman buntis ang ating kabayani, ngunit patuloy ang paglaki ng kanyang tiyan na halos nahihirapan na siyang lumakad dahil sa bigat nito. Dumulog si OFW Estrelita sa AKO-OFW upang humingi ng tulong para sa pagpapa-examine sa doctor ng kanyang lumolobong tiyan.

Agad naman kumilos ang AKO-OFW Kuwait Chapter upang magpadala ng kaunting halaga para sa gastusin sa pagpapa-CT Scan at consultation sa doctor.

At ayon sa doctor, kailangan na ang agarang pagpapa-opera dahil posible nang pumutok at kumalat ang impeksyon sa loob ng tiyan nito. Sa ating payo, ay agad naman dinala si OFW Estrelita sa Philippine General Hospital na agad naman nabigyan ng schedule ng kanyang operasyon.

Ang AKO-OFW ay labis na nagpapasalamat sa AKO-OFW Kuwait Chapter, Serving Hearts para sa donasyong dugo na isinalin sa pasyente , at sa Philippine General Hospital dahil sa matagumpay nitong paggagamot. Kasalukuyan nang nagpapagaling ang ating kabayani matapos matanggal ang napakalaking tumor na tumubo sa kanyang tiyan.

Samantala, bibigyan natin ng daan ang isa na namang panawagan ni OFW Ramil Cabio na nasa Saudi Arabia sa kasalukuyan.

Ayon kay OFW Cabio, mahigit pitong (7) taon na siya sa Saudi Arabia at mayroon siyang iniindang mabigat na karamdaman. Ang hiling niya ay: “Gusto ko nang umuwi para magamot nang maayos dahil talagang hindi ko na kayang magtrabaho at baka lalo pang lumala ang aking sakit.

Ang kanyang tinutukoy ay ang kanyang sakit sa baga na ayon sa findings ng mga doctor sa Saudi Arabia, ay labis ang pamamaga nito. Ang pakiusap na ito ni OFW Cabio ay agad nating ipinadala kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na agad namang nangako na kanya itong tutulungan.

* * *

Kung ikaw ay OFW o kapamilya ng OFW na nais magparating ng sumbong o paghingi ng tulong, huwag mag-atubili na lumiham sa amin at ipadala sa aming email address akoofwpartylist@yahoo.com o kaya sa saksi.ngayon@gamil.com

208

Related posts

Leave a Comment