NATAGPUANG patay ang isang 64-anyos na retiradong professor ng University of the East matapos umanong malunod sa isang drum ng tubig sa loob ng comfort room ng kanilang bahay sa Malabon City noong Martes ng hapon.
Ang katawan ng biktimang si Emilie Cruz, dalaga, ay nadiskubre ng kanyang kapatid na si Thelma Loberto at pamangkin na si Ivy Rose Capili dakong alas-1:00 ng hapon habang nakalubog sa drum ng tubig sa loob ng comfort room sa second floor ng kanilang bahay sa #111-B Valdez St., Brgy. Catmon.
Ayon kina Malabon Police homicide investigators P/SSgt. Corazon Nuque at P/SSgt. Ernie Baroy, nagpunta si Capili sa kuwarto ng kanyang tiyahin upang tingnan kung natapon na nito ang kanyang basura ngunit sa kabila ng kanyang mga pagkatok ay hindi sumasagot ang biktima naging dahilan upang tanungin nito ang kanyang ina kung ang kanyang tiyahin ay nasa silid nito.
Pinuntahan ni Thelma at kanyang anak ang kuwarto ng biktima ngunit hindi nila ito nakita hanggang sa tinungo nila ang comfort room malapit sa kusina.
Nang buksan ang ilaw, laking gulat nila nang makita ang biktima na nakalubog sa drum ng tubig kaya agad nilang iniahon at sinikap na i-revive ngunit wala na itong buhay.
Inirekomenda ng pulisya sa immediate family ang autopsy examination ngunit tumanggi sila at sa halip ay pumirma sa ‘waiver’ dahil sa paniniwalaang walang foul play sa insidente. (FRANCIS SORIANO)
