NILINAW ng Department of Budget and Management (DBM) na ang nasasabing “naipit” na mahigit PhP 160 milyon na namarkahang “For Later Release” ay nakasalalay sa pag-apruba ng Office of the President (OP).
Ipinaliwanag ni DBM Sec. Wendel Avisado sa isang panayam na na-release na naman daw ang pondo.
“Hindi naman kami pwedeng mag-ipit ng pondo. Ang trabaho namin mag-release,” sabi ni Avisado.
Mayroong dalawang klase ng proseso ng paglabas ng pondo sa ilalim ng GAA. Ang pondong nauuring “for comprehensive release” ay maaaring ilabas ng mga sangkot na departamento; habang ang mga pondong nauuring “for later release” ay mailalabas lamang sa pag-apruba ng OP.
“Kapag ‘for later release,’ may pondo na. Kaya nga lang, walang kontrol ang DBM at kailangan kong i-forward sa Office of the President,” sabi ni Avisado.
Kamakailan nagsalita ang ilang mga senador tungkol sa pondong ito, na sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act (GAA), na ilalaan sana sa mga kritikal na programa ng mga departamento ng gobyerno ayon sa pangangailangan ng mga ito sa ilalim ng pandemya.
Kasama na rito sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, at Sen. Sonny Angara.
Ayon kay Drilon, maaaring politikal ang dahilan kung bakit hindi pa inilalabas ang pondong ito, lalo na’t nalalapit na ang pambansang halalan sa 2022.
Itinanggi naman ito ni Avisado. “Hindi po [ito] nakakabit sa eleksyon dahil ang eleksyon ay next year pa. Ang pondo ay para sa taong ito, 2021, at hindi para sa 2022,” ika niya.
Subalit, nagdududa pa rin ang ilang mga kritiko ng gobyerno sa pahayag ni Avisado.
Sa kanilang paniniwala, ang kampanya at pagpapamudmod ng mga pulitiko ay hindi naman nagsisimula sa official campaign period. Sa halip ito ay kumakalat sa taon bago ang aktwal halalan.
245
