DE LIMA, SASALANG SA MAJOR OPERATION

SASALANG sa major operation si Senadora Leila de Lima ngayong buwan.

Kinumpirma ni Atty Filibon Tacardon, legal counsel ni De Lima na kailangang tanggalin ang ilang bahagi ng uterus ng mambabatas.

Sinabi ni Tacardon na hiniling na nila sa dalawang korte na humahawak ng kaso ng senadora na pagbigyan ang kanilang petisyon para sa medical leave mula Hunyo 19 hanggang Hunyo 25 para maisagawa na ang surgery.

Pinagbigyan ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 ang petisyon noong Lunes, habang hindi pa nagdedesisyon ang Branch 256.

“It is about the uterus, hysterectomy something. I don’t remember the exact medical term pero it is a major procedure that will remove part of her uterus,” pahayag ni Tacardon.

“Medyo na-delay natin ito dati. Ngayon ang doktor na ang nagsabi na she has to do it now. Gustuhin man ni De Lima na ituloy ang kanyang petition for bail—2 lang ang hearing—mapipilitan siya na tumuloy na sa medical procedure dahil it is a concern na. Lumalabas na it’s already a concern for her,” dagdag pa nito.

Kailangang manatili si De Lima sa Manila Doctors Hospital ng limang araw.

Nakasaad sa mosyon na sakop ng medical furlough ang required COVID-19 RT-PCR tests at postoperative observation.

Magpapaso ang health insurance ng senadora sa Hunyo 30, ang araw ng pagtatapos ng kanyang termino bilang senador.(Dang Samson-Garcia)

193

Related posts

Leave a Comment