(BERNARD TAGUINOD)
ISINIWALAT kahapon ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na ibinebenta na ng “founding shareholders” ang Commonwealth Hospital and Medical Center (CHMC) sa Quezon City at ang matunog na buyer ay ang grupo ng negosyanteng si Manny Pangilinan.
Nababahala ang mambabatas dahil kahit nasa gitna ng pandemya ang bansa sanhi ng COVID-19 ay nagkakaroon ng bentahan ng mga pribadong pagamutan tulad ng CHMC na may 148 bed capacity na binibili ng malalaking korporasyon.
“It is also possible that investors in hospitals are cashing in on their investments and big corporations are taking advantage of the situation to strengthen their foothold in the health care sector,” ani Defensor.
Aminado ang mambabatas na hindi kaya ng gobyerno at maging ng maliliit na shareholders na umaabot sa 300 na karamihan ay mga doctor, ang nasabing pagamutan dahil P2.8 billion na umano ang halaga ng 254,800 shares ng 26 founding shareholders.
Dahil dito, hindi na ikinagulat ng mambabatas na tanging ang mayayamang korporasyon ang may kakayahang makabili sa nasabing pagamutan na nakatayo sa mataong lugar sa Fairview-Novaliches-Quirino Avenue area.
“Corporations are organized for profit, and they are buying up hospitals because the business of treating the sick is highly profitable,” dagdag pa ng mambabatas kaya hindi na aniya siya magtataka na namimili ang malalaking korporasyon ng mga pagamutan.
Isa sa matunog aniyang bibili sa nasabing pagamutan ay ang Metro Pacific na pag-aari ng negosyanteng si Pangilinan lalo na’t ang mga founder ng CHMC ay siyang nagbenta rin ng kanilang 93% share sa Marikina Valley Medical Center noong 2016 sa halagang P993 million.
Kung totoo aniya na ang Metro Pacific ni Pangilinan ang buyer sa CHMC, aabot na sa 15 ang ospital ng nasabing kompanya sa Metro Manila at sa mga probinsya.
Kabilang umano sa mga pagamutan na nabili na ng Metro Pacific ang Makati Medical Center, Asian Hospital, Cardinal Santos Medical Center at Davao Doctors Hospital sa Davao City.
“I hope that the new owners, whoever they may be, would expand CHMC, modernize it and improve its services for the benefit of its patients who are mostly residents of Quezon City and nearby areas in Caloocan and Bulacan,” ayon sa mambabatas.
163 