DELIVERY RIDER NATUMBOK NG JEEP, PATAY

CAVITE – Patay ang isang 24-anyos na delivery rider nang banggain ng isang public utility jeepney ang minamanehong motorsiklo sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito, noong Biyernes ng gabi.

Dead on arrival sa General Emilio Aguinaldo Hospital ang biktimang si Joshua Caorong habang boluntaryong sumuko ang driver ng isang pampasaherong jeepney na si Celso Canonigo, 59-anyos.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Jonathan Logario ng Tanza Police Station, dakong alas diyes ng gabi noong Biyernes nang mangyari ang insidente.

Parehong binabagtas ng biktima at suspek ang kahabaan ng A. Soriano Highway, Brgy. Poblacion 4, Tanza, Cavite patungo sa direksiyon ng Manila nang mabangga ng minamanehong PUJ ng suspek ang motorsiklo ng biktima.

Dahil dito, nawalan ng kontrol sa pagmamaneho ang biktima at bumagsak ang katawan sa sementong bahagi ng kalsada na nagresulta sa kanyang kamatayan. (SIGFRED ADSUARA)

172

Related posts

Leave a Comment