PROBLEMADO ngayon ang Department of Foreign Affairs (DFA) matapos tamaan ng COVID-19 ang kanilang mga foreign sevice post and personnel sa Jeddah at Riyadh kabilang na ang umano’y ilang high raking official.
Sa pagharap ni DFA Undersecretary Sarah Ariola sa House public account committee na pinamumunuan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, kinumpirma nito na umaabot na sa 8,869 Filipino sa iba’t ibang bansa ang nagkaroon ng COVID-19.
Sa naturang bilang, 618 na ang namatay dahil sa nasabing virus kabilang ang 191 sa Saudi Arabia, 14 sa Qatar at 13 naman sa Kuwait at 57 sa United Kingdom kabilang na ang mga Filipino nurse na nasa frontline.
‘We have additional challenges, your Honors. The foreign sevice post and personnel are affected by COVID-19. Sa Riyadh po, Philippine Embassy, a very high ranking DFA officials are already infected.
Kahit ang mga translator umano ng embahada ng Pilipinas sa nasabing bansa ay nadale na rin ng naturang virus dahil sa pag-iikot para maiuwi ang mga labi ng mga OFW na namatay.
“And also in Jeddah alone, we have wards po, fifty eight (58) of them got infected, one died. He collapsed in the comfort room and he is dead on arrival in the hospital and 57 are infected,” ani Ariola.
Samantala, ikinatuwa ni Defensor ang pahayag ni Ariola na umaabot na sa 82,057 OFWs ang naiuwi mula noong Marso mula sa 60 at maiuuwi ang lahat ng stranded OFW hanggang Agosto.
Magugunita na nagsagawa ng imbestigasyon si Defensor noong Hunyo 26, 2020 upang malaman ang mga problema kung bakit hindi naiuuwi agad ang mga stranded na OFWs na naapektuhan sa COVID-19 pandemic.
Umaabot lamang noon ng halos 50,000 ang na-repatriate na OFWs subalit simula nang mag-imbestiga si Defensor ay nadagdagan ito ng 25,777 sa nakaraang tatlong linggo.
“By the end of July, we can bring home 50,577. Ang estimated na maiiwan is 117,049,” ani Ariola, subalit marami na umano ang papasuking flights sa mga susunod na araw kaya inaasahan na maiiuwi na ang natitira pagdating ng Agosto. (BERNARD TAGUINOD)
