SINAWAY ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga Filipino sa pagkuha ng mahigit sa dalawang doses ng COVID-19 vaccine.
Sa kanyang Talk to the People, Huwebes ng gabi, sinabi ito ng pangulo sa kabila ng hindi pa nagdedesisyon ang Department of Health (DOH) ukol sa booster shots laban sa COVID-19.
“Check out the vaccinations being done daily at baka magsali ka na doon sa second shot. Tama na yang dalawang doses. Huwag ninyo sobrahan, delikado,” paalala ng pangulo.
Aniya, ang pagkuha ng third at fourth shots ng bakuna ay isang pang-aagaw sa iba na hindi pa nababakunahan.
“When you do that multiple… you deprive your countrymen the orders sa isang bakuna na naibigay sa kapwa mong tao,” ani Pangulong Duterte.
“Ganoon yan e, kapag masyado kayo may iba second, third, fourth, di naman kailangan and it does not add full protection to your body,” dagdag na pahayag nito sabay sabing “not all COVID-19 vaccines require two shots. Single-jab vaccines include Sputnik Light by Gamaleya and the shot made by Johnson & Johnson subsidiary Janssen Pharmaceuticals.”
Sa kabilang dako, inaprubahan naman ni Pangulong Duterte ang pagbabakuna sa general population laban sa COVID-19 simula ngayong Oktubre kabilang ang menor-de-edad.
Hinikayat naman ni Presidential spokesperson Harry Roque ang mga magulang na ipalista na ang kanilang mga anak para sa pagbabakuna.
Samantala, sinabi ni Food and Drug Administration director general Eric Domingo na sa lalong madaling panahon ay magdedesisyon ang DOH kung irerekomenda na ang COVID-19 booster shots para sa mga fully vaccinated.
“I think they are still discussing it. The DOH said they will decide soon,” ani Domingo.
Maaari aniyang magpalabas ang DOH ng posisyon nito ngayong linggo.
Sinabi naman ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na isinasapinal pa ang rekomendasyon ng lahat ng Experts’ Group for COVID-19 Vaccines at isusumite naman sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at sa vaccine cluster.
“So far, only the Vaccine Experts Panel has recommended the use of booster shots on health workers,” ayon kay Vergeire. (CHRISTIAN DALE)
186 