DISCAYA ITINANGGING SANGKOT SA GHOST PROJECTS

NANINDIGAN ang pamilya Discaya na wala silang kinalaman sa umano’y ghost projects sa Mindoro, kasunod ng mga alegasyong lumabas sa imbestigasyon ng flood control projects.

Sa isang press conference sa Quezon City, sinabi ng kanilang tagapagsalita at legal counsel na si Atty. Cornelio Samaniego III na natapos at maayos ang flood mitigating project sa Mag-asawang Tubig River sa Naujan, batay sa mga certification mula sa lokal na pamahalaan at municipal assessor. Giit niya, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagkamali sa pagtukoy ng lokasyon ng proyekto.

Dagdag pa ni Samaniego, handa ang mag-asawang Curlee at Sara Discaya na pangalanan ang mga opisyal ng nakaraang Duterte administration na umano’y sangkot sa anomalya, kung hihingin ng Senado o Kongreso. Aniya, may sapat na ebidensya ang pamilya upang patunayan ang umano’y SOP na tinanggap ng ilang opisyal mula sa mga construction companies ng mga Discaya.

“We will have our days in court… dokumento laban sa dokumento,” ayon kay Samaniego, na nagsabing korte ang magpapasya sa usapin.

(PAOLO SANTOS)

61

Related posts

Leave a Comment