NAKAPAGTALA ang PNP-Police Regional Office 5 ng 17.10 porsyento ng pagbaba sa total crime rate sa Bicol Region simula nang pagpasok ng taon hanggang Agosto kumpara sa nakaraang taon.
Sa pamumumuno ni Regional Police Director Jonnel C. Estomo, nakapagtala lamang ng 10,683 krimen sa buong panig ng Bicol sa loob ng walong buwan. Ito ay mas mababa ng 2,203 kumpara sa nagdaang taon na umabot sa 12,886.
Simula nang manungkulan ang dating pinuno ng PNP Anti-Kidnapping Group bilang Regional Director ng PNP Bicol ay tinutukan nito ang paghahatid ng ekstra ordinaryong serbisyo sa pamayanan.
Bilang pagtalima sa direktibang ito, lalong pinalakas at pinalawig ng PNP Bicol ang mga nasimulan nitong programa at proyekto upang tugunan ang mga problemang panseguridad.
Kabilang na rito ang pinaigting na kampanya kontra illegal drugs, na mayroong 928 operasyong naikasa at nagresulta sa pagkakahuli sa 1,037 sangkot sa pagbebenta at pagpapalanap ng ilegal na droga.
Samantala, 52 ang napatay sa isinagawang operasyon at 1,430 naman ang kasong naisampa sa mga lumabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ito rin ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng 222.48 gramo ng marijuana; 6,476.74 gramo ng shabu na may kabuuang halaga na P44,068,539.90. Ang Albay ang pinakamaraming naitalang nasamsam ng ipinagbabawal na gamot sa kampanya kontra ilegal na droga.
Pinagtuunan din ng pansin ang kampanya sa ilegal na pagmamay-ari ng baril sa pamamagitan nang paglulunsad ng 1,405 operasyon ng Oplan Boga at Oplan Katok. Mula rito, 469 nahuli at 1,560 ang nakumpiska, narekober at kusang isinuko. Ang probinsya ng Camarines Sur ang may pinakataas na bilang ng naarestong mga suspek at nakuhang mga baril.
Ang PNP Bicol ay naglatag din ng 809 na operasyon kontra sugal. Nadakip dito ang 2,071 mga lumabag habang 674 ang mga nasampahan ng kaso. Nasamsam din ang 479,133 mga ebidensya. Ang Camarines Sur ang may pinakamataas na bilang ng mga naaresto mula sa 205 na operasyong naikasa sa probinsya.
Sa usapin ng ilegal na pangingisda, 574 ang nalambat ng mga operatiba, 156 ang nakasuhan sa isinagawa nitong 209 na operasyon. Bunga rin nito ang pagkakakumpiska ng P11,083,380 halaga ng mga ebidensya. Ang probinsya naman ng Masbate ang may pinakamataas na paglabag sa krimeng ito.
Binigyan din ng pansin ang kampanya sa ilegal na pagpuputol ng kahoy sa kagubatan. Huli sa akto ang 336 walang pakundang mga suspek sa pagpuputol ng kahoy nang walang permit at P3,629,714 ang halaga ng nakumpiskang mga ebidensya. Ang probinsya ng Sorsogon ang may pinakamataas na insidenteng nairekord sa kampanyang ito.
Nabitag at nahulog din sa kamay ng mga awtoridad ang ilan sa mga matagal nang minamanmanang most wanted persons sa rehiyon. Umabot sa 4,136 ang lahat ng mga nadampot sa manhunt operation. Ito ay kinabibilangan na 10 sa regional level; 39 sa provincial level; 71 sa city level; 557 sa municipal level; at 3,459 other wanted persons. Sa Camarines Sur ang pinakamaraming nahuling wanted person.
Patuloy rin ang pagpupursige ng kapulisan para tuluyan nang buwagin ang criminal gangs na kadalasang sangkot sa gunrunning na aktibidad, pananakot, at pagnanakaw. Sa 22 na operasyon na nailunsad, 20 rito ang nahuli at 6 naman ang napatay.
Nagtala rin ang PNP Bicol ng malalaking tagumpay sa kampanya kontra terorismo na 104 ang naaresto; 260 ang mga sumuko; at 43 ang napatay sa combat operations na ikinasa ng regional at provincial mobile units. Dagdag pa rito ang 102 bilang ng mga armas at 13 pampasabog na nakumpiska sa panig ng mga rebeldeng grupo. (JESSE KABEL)
