DOCTOR, STAFF KINASUHAN SA PAGKAMATAY NG SANGGOL

NAPASUGOD ang isang mag-asawa sa himpilan ng pulisya upang ireklamo ang doctor at staff ng isang pribadong ospital sa Quezon City matapos mamatay ang 9-buwang gulang na anak na lalaki.

Ito ay dahil sa umano’y kapabayaan at  pagpapapirma pa ng death certificate na COVID-19 ang naging sanhi ng kamatayan ng sanggol.

Napag-alaman sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), nahaharap sa patong-patong na kasong kriminal ang suspek na doktor na kinilalang si Sharmy Arcilla at staff na si Eduardo Noveloso, ng San Lorenzo Hospital sa  Quirino Highway, Brgy. Pasong Putik, Novaliches.

Ayon sa ulat, bandang alas- 3:00 ng hapon noong Huwebes, Setyembre 2, dinala umano ng mag-asawang De Luna ang kanilang sanggol na anak sa nabanggit na ospital mula Caloocan City para sa complete blood count (CBC) examination.

Nang lumabas ang resulta ay ipina-confine umano ang sanggol sa nasabing ospital sa payo ng  pediatrician na si Dr. Diosdado Viceral.

Nakasaad sa reklamo ng mag-asawa na may naobserbahan silang kapabayaan ng mga doktor na tumitingin sa kanilang anak at noong Sabado, Setyembre 4, 2021, bandang alas-10:25 ng umaga ay binawian ng buhay ang sanggol.

Naniniwala ang mag-asawa na namatay ang kanilang anak dahil sa kapabayaan ng mga doktor sa nasabing ospital.

Pursigido ang mag-asawa na kasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide (medical malpractice) at falsification ang doktor na si Arcilla na maaaring bawian ng lisensya bilang isang medical doctor kapag napatunayan sa nasabing kaso. (JG TUMBADO)

380

Related posts

Leave a Comment