ARESTADO sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), sa pamumuno ni P/Maj. Elmer Monsalve, ang umano’y hostage taker sa East Avenue Medical Center (EAMC) sa nasabing siyudad kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni QCPD P/BGen. Ronnie Montejo, ang suspek na si Hilarion Achondo, 51-anyos, ng #32 Milagrosa St. Project 8, Quezon City.
Base sa initial police report, nagpunta ang suspek sa EAMC dakong umaga para magpagamot sa kanyang sugat makaraang maaksidente sa motorsiklo.
Dakong alas-5:50 ng madaling-araw nitong Miyerkoles, Hulyo 1, biglang kinuha ng suspek ang hiringgilya at itinutok sa leeg sa isang doktor at nagdeklara ng hostage sa loob ng emergency room.
Bunsod nito, nagkaroon ng komosyon na naging dahilan ng pag-panic ng mga tao sa loob ng ospital at nakatawag ng pansin sa mga tauhan ng CIDU na kasalukuyang naroroon habang nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa isang stabbing incident.
Agad nagresponde ang mga awtoridad at pinayapa ang suspek na makalipas ang ilang minutong dayalogo ay pinakawalan ang hostage victim at itinapon ang hiringgilya.
“Iniimbestigahan pa natin ang dahilan ng pangho-hostage ng suspek sa doctor,” ani P/BGen. Montejo. (JOEL O. AMONGO)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)