ARESTADO ang hinihinalang lider ng isang drug group at dalawang miyembro nito sa inilatag na buy-bust operation ng mga operatiba ng Manila Police District sa Blk. 9, Brgy. 649, Baseco Compound, Port Area Manila, nitong Huwebes ng madaling araw.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Robert Domingo, commander ng MPD-Station 13, na isinumite kay P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco, District Director ng MPD, bandang alas-12:20 ng madaling araw nang ikasa ng kanyang mga tauhan, sa pangunguna ni P/Capt. Edwin Fuggan, ang anti-illegal drugs buy-bust operation laban sa target na si alyas “Basco” na tinaguriang lider ng Andungan drug group na kinilalang si Abas Andungan y Gani, 47-anyos, na nagresulta sa pagkakadakip sa nasabing suspek.
Sa nasabing operasyon ay nadakip din ang dalawang babae na kasama ng suspek na sina Jamila Dayawan, 44, at Lynnie Elequio, 44-anyos.
Ayon sa report ng pulisya, positibong nakabili ang poseur buyer sa mga suspek ng 10.5 gramo ng umano’y shabu na tinatayang P71,400 ang street value. (RENE CRISOSTOMO)
154 