DINAKIP ng mga operatiba ng PNP-Inter Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang isang chief of police sa Zamboanga dahil sa kapabayaan nitong makapag-build up ng kaso laban sa nahuhuling illegal drug personalities.
Sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group-Regional Office 9 (CIDG-9) ikinostudiya si Police Lt. Col. Nonito Pangilison Asdai, hepe ng Zamboanga City Police Station.
Nabatid sa report kay Police Regional Office-9 Director Brig. General Ronaldo Ylagan, sinampahan ng kasong paglabag sa Article 92 ng Republic Act 9165 o “Delay and bungling in prosecution of drug cases” si Asdai sa City Prosecutor’s office.
Ang naturang kaso ang isinasampa laban sa mga pulis o kawani ng pamahalaan na nakitaan ng kapabayaan sa pagdemanda sa drug suspects.
Sa naantalang ulat ng CIDG, noong Sabado, Agosto 28, 2021, ay inaresto si Asdai sa mismong bahay nito sa Blue Homes Subdivision sa Barangay Mercedes, Zamboanga City.
Nabatid pa na may nauna nang inilabas na warrant of arrest laban kay Asdai mula sa sala ni Judge Shene Chiong Cañete ng Regional Trial Court Branch 35 sa kasong paglabag sa RA 9165 dahil sa pagkakasangkot umano sa pangangalakal ng ilegal na droga. (JG TUMBADO)
