NAKAKASA na ang border control system ng bansa upang matiyak na hindi makakapasoK sa Pilipinas ang mga pasaherong magmumula sa United Kingdom na positibo sa COVID-19.
Ang pahayag na ito ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ay kasunod ng ulat na nakararanas ngayon ng 3rd wave ng COVID-19 cases ang ilang bansa sa UK.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Vergeire na gumagamit na ngayon ang bansa ng metrics o sistema na katulad sa Center for Disease Control ng Estados Unidos at alinsunod sa standards ng World Health Organization (WHO).
Sa pamamagitan aniya ng sistemang ito na in-adopt ng Pilipinas mula sa Amerika, agad nilang nakikita kung aling foreign visitors ang dapat higpitan o pagbabawalang makapasok sa bansa.
Ito aniya ang dahilan kung bakit mayroong ipinatutupad na green, yellow and red countries category ang pamahalaan. (CHRISTIAN DALE)
