DPA ni BERNARD TAGUINOD
TUWING holiday season ay nag-uuwian ang karamihan sa mga tao sa Metro Manila sa kanilang probinsya at kasama ang mga taga-Norte riyan tulad ng mga taga-Cagayan Valley region o Region 2.
Matindi rin ang galawan ng mga produkto na dinadala sa Metro Manila at inuuwi naman sa mga probinsya ng Nueva Vizcaya, Isabela, Quirino at Cagayan kapag holiday season at may mga nagro-road trip para mamasyal sa mga probinsyang ito.
Pero marami ang nasisiraan ng loob dahil patindi nang patindi ang trapik sa Nueva Vizcaya dahil parang buong taon nagre-repair ng highway na nagdudulot ng matindi trapik sa lalawigang ito kaya apektado ang turismo at ekonomiya.
Mantakin n’yo ha, hindi bababa sa apat na oras ang trapik nitong nakaraang mga araw sa Diadi, Nueva Vizcaya dahil sa haba ng kalsadang binabakbak nila at hindi agad sinemento kaya gigil ang mga taga-Norte.
Hindi nila alam kung saan sila magrereklamo… kung sa Department of Public Works and Highways ((DPWH) o sa Malacañang na mismo dahil matinding sakripisyo ang inaabot nila sa pagbiyahe dahil sa matinding trapik.
Kung sa DPWH Region 2 sila magrereklamo, baka walang mangyayari dahil sila ang may proyekto sa pagre-repair ng kalsada na napanalunan ng masusuwerteng mga kontraktor sa Region 2, kaya hindi pwedeng magreklamo sa DPWH Region 2.
Kapansin-pansin din na kahit maayos pa ang mga kalsada ay binabakbak nila at parang wala silang traffic plan para hindi maistorbo ang mga motorista at hindi pa 24/7 ang kanilang trabaho kaya nagtatagal.
Lahat ng mga motorista na patungo sa Cagayan ay napapailing na lamang kapag binabakbak ang maayos pang mga kalsada dahil nangangahulugan na magdurusa na naman sila sa trapik at higit sa lahat ay nanghihinayang sila sa pera ng bayan.
Kailangan na sigurong sitahin ng Malacañang ang DPWH Region 2 at mga kontraktor ng mga road repair sa Nueva Vizcaya lalo na’t two-lane lang ang mga nire-repair na mga highway dahil nakakaapekto na sila sa buhay ng mga tao, sa turismo at kabuhayan sa Region 2.
Alam naman nila na holiday season na pero saka sila nagsisipag sa pagbakbak ng mga kalsada gayung walang alternate route na inilagay para hindi naman maistorbo ang mga motoristang dumaraan.
Mantakin n’yo dahil sa trapik na ‘yan, ang 10 oras na byahe mula Manila hanggang Cagayan ay nagiging 14 hanggang 15 oras. Kung mamalasin ang mga biyahero, aabot ng 8 oras na nakatengga sa gilid ng highway ang mga motorista.
Pumapalag ang mga taga-Region 2 kaya dapat pumalag na rin ang local officials dahil hindi lang ang mga tao ang apektado kundi ang kanilang probinsya mismo. Kung tatahimik kayo, magdududa na kami sa inyo!
