At Your Service ni Ka Francis
MARAMI sa ating mga Pilipino ay talaga nga namang pinagpala ng talento at galing. Tulad halimbawa ni Sofronio Parojinog Vasquez III na itinanghal na kampeon sa katatapos na Season 26 ng American talent competition “The Voice.”
Si Sofronio ay ipinanganak noong Nobyembre 9, 1992, sa kanyang mga magulang na sina Aida Parojinog at Oniol Vasquez ng Misamis Occidental.
Siya ay residente ng Utica, New York at ang kanyang propesyon ay bilang isang dentista simula noong 2022.
Naging team coach ni Sofronio ang kilalang magaling na manganganta ng Amerika na si Michael Buble.
Si Sofronio ay kauna-unahang lalaking Asyano at Pinoy na nagwagi sa twenty-sixth season ng naturang pinakatanyag na singing contest sa buong mundo.
Sa pagkakapanalo ni Sofronio sa “The Voice” ay nakapag-uwi siya ng isang daang libong dolyar ($100,000) katumbas ng mahigit sa limang milyong piso (P5M).
Si Sofronio ay sumali noong 2017 sa second season ng “Tawag ng Tanghalan”, isang segment ng ABS-CBN’s noontime variety show na “It’s Showtime”, kung saan siya ay itinanghal na pang-7 pwesto.
Kalaunan sa “Tawag ng Tanghalan: All-Star Grand Resbak” ay itinanghal siya bilang pangatlo (3).
Pagkatapos na itanghal bilang grand champion si Sofronio sa “The Voice” ay agad siyang inalok ng recording contract sa Universal Music Group.
Pinakamahalaga sa ating mga tao, kahit hindi tayo nagwagi sa nauna nating sinalihang mga patimpalak ay ‘wag tayo mawawalan ng pag-asa. Ika nga ang “Nagwawagi ay hindi umaayaw”, kaya kung gusto nating magwagi ay ‘wag tayo aayaw.
Isang buhay na halimbawa ‘yan kay Sofronio Varquez dahil sa halip na mawalan siya ng gana matapos na hindi siya itanghal na grand champion sa “Tawag ng Tanghalan” at iba pang singing contest na kanyang sinalihan, ay hindi siya tumigil.
Imbes na siya ay panghinaan ng loob, lalo pa siyang nagpursige at nag-level up pa siya sa pamamagitan ng pagsali niya sa “The Voice” hanggang makamit niya ang kampeonato.
Ang talento ng mga Pinoy ay hindi lamang pang Pilipinas kundi pang international, maging sa larangan ng sports, pagkanta at iba pa.
Sa boksing ay naging tanyag sina Rolando Navarrete, Manny Pacquiao, Nonito Donaire, Johnriel Casimero, at ang pinakabago sa singing contest ay si Sofronio Parojinog Vasquez ng Misamis Occidental.
Mawala man sila ay may papalit din sa kanila na mga bagong sibol na mga talentadong Pinoy.
Kaya tuloy lang ang buhay, malalagpasan din natin ang mga pagsubok sa atin.
oOo
Binabati ko pala ang matagumpay at kakatapos na 1st Shootfest ng Valenzuela PNP, sa pamumuno ni Valenzuela City Chief of Police/Kuya Police Colonel Nixon Cayaban… kudos Kuya, sir! oOo
Para sa inyong mga katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.
111