RATSADA ang Filipina tennis sensation na si Alex Eala sa JA Trofeo Bonfiglio tournament sa Italy.
Kung sa mga nakaraang sinalihang torneo ay maagang nagtapos ang singles journey ni Eala, sa Italy ay umabante siya sa susunod na round, at maging sa doubles event ka-partner si American Madison Sieg.
Magaang na tinalo ng Pinay teener si Kayla Cross ng Canada, 6-1, 6-1, para humakbang sa susunod na round.
Sunod na makakalaban ng juniors’ world no. 3 na si Eala si Ksenia Zaytseva ng Russia.
Sa doubles event, dinispatsa nina Eala at Sieg ang Russian team nina Anastasiia Gureva at Ekaterina Maklakova, 6-3, 3-6, 10-7, para dumeretso sa quarterfinals.
Makakaharap nila sa doubles QF ang isa pang Russian pair na sina Zaytseva at Yaraslava Bartashevich.
Isang linggo pa lang ang nakararaan nang dagliang natapos ang kampanya ni Eala sa Wimbledon singles and doubles tourneys. (ANN ENCARNACION)
