ELEAZAR BINUBUYO SA SENADO

HINDI pa man ganap na nagreretiro sa serbisyo, isang manifesto ang nagsusulong sa pagpapatuloy ng paglilingkod ni Philippine National Police director-general Guillermo Eleazar – pero hindi para sa pagpapalawig ng kanyang termino kundi para sa Senado.

Inilunsad na rin sa iba’t ibang social media platforms ang isang online signature campaign na nananawagan kay Eleazar na ikunsidera ang anila’y tawag ng pagkakataon, kasabay ng papuri sa anila’y hindi matatawarang lideratong walang bahid ng dungis.

Ayon pa sa manipesto, higit na kailangan ngayon ng bansa ang katangian ni Eleazar para sa pundasyon ng serbisyo publiko.

Panawagan ng mga nagsusulong sa kandidatura ni Eleazar sa lalawigan ng Quezon, huwag ipagdamot ang heneral na anila’y may kakayahang magsilbi sa mas malawak pa sa sakop ng isang lalawigan.

Pagtitiyak ng mga nagsusulong kay Eleazar para sa Senado, handing-handa na rin ang isang political network na binubuo ng mga ordinaryong tao mula sa 17 rehiyon, 81 lalawigan, 143 lungsod, 1,498 na bayan at mahigit 42,000 barangay.

Bukod sa saloobin ng mga ordinaryong tao, naging batayan anila ng kanilang manifesto ang track record ng heneral mula pa nang sumapi ito sa kapulisan. Malaking bentahe din anila ang testimony ng dalawang dating PNP chiefs na nasa Senado – sina Senador Ping Lacson at Bato dela Rosa.

Maging si House majority leader Martin Romualdez, kumbinsido rin sa husay at bilis ng pagtugon ni Eleazar – “A man of action and swiftness.”

Hindi rin pinalagpas ng kilalang peryodistang si Ramon Tulfo ang pagkakataong manawagan kay Eleazar na tumakbong Senador lalo pa’t patapos na ang termino ni Senador Lacson na una nang nagdeklarang tatakbong Pangulo.

Samantala, noong Hulyo ay sinabi ni Eleazar na gusto muna niyang isipin ang tungkulin sa PNP at ‘di pa pinapakinggan ang anomang panawagang tumakbo sa 2022.
Nakatakda siyang magretiro sa Nobyembre. (FERNAN ANGELES)

197

Related posts

Leave a Comment