ENDORSEMENT NI PBBM SA 2028 ELECTIONS MAGIGING ‘KISS OF DEATH’ SA KANDIDATO?

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

MARAMI ang naniniwala na magiging “kiss of death” ang endorsement ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa kandidato sa darating na 2028 Presidential Election.

Ito ay dahil sa patuloy na pagbagsak ng tiwala sa kanya ng mga Pilipino na makikita sa survey at pinaniniwalaang lalo pa itong lalagapak dahil na rin sa pinakahuling resulta ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa survey ng Pulse Asia noong nakaraang May 6-9, 2025, nakakuha lamang ng 32% si PBBM, 50% kay VP Sara at pinakamataas pa rin si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakapagtala ng 63%.

Ang survey ng Pulse Asia ay isinagawa noong Mayo 6 hanggang 9 taong kasalukuyan sa panahong hindi pa mainit ang usapin ng impeachment laban kay VP Sara.

Kamakailan, napagkasunduan ng mga senador na ipabalik sa House of Representatives ang impeachment laban kay VP Sara, na inaasahang magpapataas lalo ng trust rating ng pangalawang pangulo.

Samantala, inaasahan namang lalagpak ang trust rating ni PBBM at hindi rin nakapagtataka kung bakit nawawala ang tiwala ng mga Pilipino sa kanya dahil sa mga ipinangako niya noong panahon ng kampanyahan na hindi niya natupad.

Partikular dito ang pagsugpo ng korupsyon, kahirapan at patuloy na pagdami ng mga krimen sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nitong nakaraang 2025 Midterm Elections sa kabila na malaking pondo ang pinakawalan ng gobyerno para sa kanilang mga kandidato sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, ay marami sa mga ito ang hindi nakalusot.

Isang patunay ‘yan na kahit maglabas ng sobrang laking pondo ang kasalukuyang administrasyon ay hindi kumbinsido ang mga tao sa pamamalakad ni PBBM.

Napansin din natin na hindi pa man nangangalahati sa anim na taong termino si Pangulong Marcos ay marami na agad ang dismayado sa kanyang pamamalakad.

Mismong ang kanyang kapatid na si Senator Imee Marcos ay nananawagan kay PBBM na sana ay magbago ang pananaw nito sa natitirang tatlong taon pang panunungkulan.

Nanghihinayang si Super Ate (Imee) na binigyan na sila ng pangalawang pagkakataon para makabawi ang kanilang pamilya, subalit tila mabibigo ito dahil sa hindi magandang nangyayari sa administrasyon ni PBBM.

Pangunahing isyu na binanggit ni Senator Marcos ay ang pagpapaaresto ng administrasyon kay dating Pangulong Duterte at ang inihaing impeachment laban kay VP Sara.

Ayon pa sa kanya, imbes na pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang mga pangunahing problema na ang makikinabang ay ang taumbayan, tila inuna pa ng PBBM admin ang mga usaping may kinalaman sa pulitika.

Obyus naman kasi ang ginagawa ng administrasyon ni PBBM na kaya matindi ang kanilang pag-atake kay VP Sara ay dahil gusto nila itong sirain para hindi na ito magkaroon ng pagkakataon na makatakbong presidente sa 2028 elections.

Parang hindi n’yo alam ang ugali ng mga Pilipino na kung sino ang binubugbog ay siya ang kanilang pinaniniwalaan at pinag-uukulan ng simpatiya.

Naniniwala rin tayo na pagpasok ng taong 2026 hanggang 2027 ay marami na sa mga “balimbing” politiko ang magtatawiran sa bakod ni VP Sara.

Malaki ang pinagkaiba ni FPRRD kung ikukumpara kay PBBM. Ang dating pangulo hanggang sa pinakahuling taon niya sa Malacañang ay mataas pa rin ang tiwala sa kanya ng taumbayan, samantalang si President BBM ay agad nang isinuka ng publiko.

Abangan natin kung sino sa mga politiko ang magtatawid-bakod sa kampo ni VP Sara.

oOo

ERRATUM

Sa inilabas natin noong nakaraang kolum, sa halip na Col. Jayson Dela Cruz ang chief of police ng Baliwag, Bulacan ay si Col. Jayson San Pedro.

oOo

Babala!

Binabalaan natin ang mga kumpanya na mag-ingat sa pagtanggap ng empleyado dahil marami ang nagsasamantala ngayon.

May natanggap tayong impormasyon na may isang kumpanya ang nabiktima ng “inside job”, umaabot ng isang milyong piso ang nawala sa kumpanya dahil sa ginawang kalokohan ng tatlong empleyado niya.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text o tumawag sa cell# 0917-861-0106.

6

Related posts

Leave a Comment