NAKA-RECOVER na si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Ito ang kapwa kinumpirma ng mga anak ni Estrada na sina dating Sens. Jinggoy Estrada at Joseph Victor (JV) Ejercito sa magkahiwalay na post ng mga ito sa social media.
“We are happy to announce that my dad continues to improve, and we expect that he can be transferred to a regular room soon,” ayon sa facebook post ng batang Estrada kahapon.
“His repeat RT-PCR (swab test) is now NEGATIVE!” dagdag pa nito kasabay ng pagpapasalamat sa mga taong nagdasal para sa kanilang 83-anyos na ama na naging mayor din ng Lungsod ng Maynila.
“Thank you everyone for the prayers. My father is now negative for COVID. He will be transferred to a regular room from the ICU in a few days. Again, my heartfelt gratitude to everyone!” ayon naman sa tweet ni Ejercito.
Inaasahan na ngayong araw (Miyerkoles) ay ililipat na sa regular room ang kanilang ama mula sa Intensive Care Unit (ICU).
Magugunitang itinakbo sa ospital si Erap noong Marso 28 nang magpositibo sa COVID-19.
Agad namang nagpahayag ng panalangin para sa dating Pangulo si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Subalit noong Abril 4, 2021 ay inilipat ito sa ICU nang magkaroon umano ng pneumonia, para sa high flow oxygen support ngunit hindi pa nangailangan ng ventilator.
Kinabukasan, Abril 5 ay lumala umano ang pneumonia ng dating Pangulo kaya nilagyan na ito ng mechanical ventilator at nitong Abril 13, ay nagnegatibo na umano sa COVID-19. (BERNARD TAGUINOD)
