MULING namayagpag si ACT-CIS Representative at House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa pinakabagong surveys ng Pulse Asia at OCTA Research para sa mga tumatakbong senador sa paparating na May 2025 Elections.
Sa Pulse Asia survey noong Enero 18 hanggang 25, numero uno si Tulfo na may 99% sa Awareness at 62.8% sa voting preference. Samantalang sa OCTA Research survey na isinagawa noong
Enero 25 hanggang 31, nakakuha siya ng 70% voter preference.
Sa parehong survey, double-digit ang lamang ng dating Kalihim ng Department of Social Welfare and Development sa ibang kandidato.
“Nagpapasalamat ako sa tiwalang ibinibigay ng taumbayan sa atin na alam po nating resulta ng ating walang-sawang pagsisilbi sa bayan at pagkampi sa mga inaapi nating kababayan,” ani ni Tulfo.
Dagdag ng mambabatas, “sisiguruhin po natin na pangangalagaan natin ang tiwalang ito sa pamamagitan ng mga batas at programang tunay na tutulong na magkaroon nang mas maraming trabaho, mas maunlad na ekonomiya, at mas malawak na access sa gamot at pagpapagamot para sa bawat Pilipino.”
Simula nang maghain ng kandidatura sa pagka-Senador si Cong. Tulfo, hindi na ito natinag sa panguguna sa iba’t ibang surveys na ginawa ng iba’t ibang kumpanya tulad ng Pulse Asia, Social Weather Stations (SWS), OCTA Research, at iba pa.
Isang beteranong mamamahayag bago pumasok sa serbisyo publiko bilang DSWD Secretary at ngayon bilang kinatawan ng ACT-CIS Partylist, patuloy si Cong. Tulfo sa pagiging kakampi ng inaapi.
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)