IPINANAWAGAN ni Senador Erwin Tulfo ang pagpapatatag ng mga mekanismo ng pananagutan laban sa mga nagpapakalat ng fake news, bilang bahagi ng pagpapalakas ng demokrasya, sa kanyang talumpati sa 151st Inter-Parliamentary Union (IPU) Assembly sa Geneva, Switzerland.
Bilang pinuno ng delegasyon ng Pilipinas, binigyang-diin ni Tulfo kung paanong ang maling impormasyon ay nakasisira sa tiwala ng publiko sa gobyerno at nakaaapekto sa demokratikong proseso ng bansa.
“We, in the Philippines, have seen how fake news and malicious online campaigns can erode public trust, distort democratic discourse, and even incite anger and violence. What begins as a false post or manipulated image can spread faster than facts, and the damage, once done, is often irreversible,” pahayag ni Tulfo sa harap ng mga mambabatas mula sa ASEAN, Korea, Japan, at China noong Oktubre 19.
Gayunman, binigyang-diin ni Tulfo na dapat manatiling iginagalang ang kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag sa mga demokratikong bansa.
“Our task, therefore, is not to silence voices, but to safeguard truth; to ensure that the digital public square remains a place for informed dialogue, not deception,” dagdag pa ng senador, na isa ring beteranong mamamahayag.
Hinimok din ni Tulfo ang mga kapwa mambabatas na palakasin ang mga batas laban sa sinasadyang pagpapakalat ng maling impormasyon, nang hindi sinasakripisyo ang lehitimong kalayaan sa pagsasalita.
Bukod dito, nanawagan siya ng mas malawak na media literacy program, lalo na para sa kabataan, upang mas madaling makilala ng mga mamamayan ang totoo sa kasinungalingan.
“Ultimately, the fight against disinformation is not only about defending our leaders; it is about defending democracy itself,” ani Tulfo.
Si Tulfo, na kasapi ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, ay kilalang nagsusulong ng transparency at accountability sa pamahalaan.
Noong Hulyo, inihain niya ang Senate Bill No. 768, na layong parusahan ang sinasadyang paggawa at pagpapakalat ng fake news, at ang Senate Bill No. 1361 o “People’s Freedom of Information Act,” na magpapalakas ng pananagutan ng gobyerno at magpapalaganap ng tama at tapat na impormasyon.
Ang IPU Assembly ay magtatagal hanggang Oktubre 23, at kabilang sa delegasyon ng Pilipinas sina Senators Raffy Tulfo at Imee Marcos; Representatives Ferdinand Hernandez, Kristine Singson-Meehan, Ma. Georgina De Venecia, Maria Rachel Arenas, Faustino Michael Carlos Dy III, Brian Poe-Llamanzares, Jonathan Clement Abalos II, at Florabel Yatco.
