ISASABAK ang Gilas Pilipinas Men sa United States at European basketball tournaments bilang paghahanda ng koponan sa 2023 FIBA World Cup.
Ito ang plano ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) project director at head coach Tab Baldwin upang lalo pang masanay ang men’s national team sa mga international tourney.
“There will probably be some tours in the US, and gigs in Europe as well,” pahayag ni Baldwin matapos ang World Cup Qualifiers Draw noong Martes ng gabi.
“What we need to do right now is to identify the possible tournaments we can join. There might be out-of-the-country gigs too. This is to strengthen our team and continuously improve heading into 2023,” sabi naman ni SBP Special Assistant to the President (SAP) Ryan Gregorio.
Malaking tulong umano para sa Gilas ang international exposure upang mapag-aralan din nila ang style of play ng iba’t ibang teams tungo sa kanilang World Cup campaign.
Noong nakaraang buwan lang ay lumahok ang koponan sa 10th King Abdullah Cup sa Amman, Jordan kung saan nabigo itong umusad sa semifinals matapos makasagupa ang ilang teams gaya ng Jordan, Tunisia at Egypt.
Nakatakda rin sanang magpartisipa ang Gilas sa 2021 Asia Cup sa Jakarta, Indonesia subalit nakansela ito dahil sa muling pagsipa ng COVID-19 cases doon. Nireskedyul ito sa Hulyo 2022.
421 