EVOSS TASK GROUP SUSI SA SAPAT NA POWER SUPPLY

MATAPOS lagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order (EO) No. 143 na nagtatatag sa Energy Virtual One-Stop Shop Task Group (ETG) upang paigtingin ang pagpapatupad ng Energy Virtual One-Stop Shop Act o EVOSS, sinabi ni Senador Win Gatchalian na patunay lamang ito ng pagiging sinsero ng punong ehekutibo na wakasan ang red tape sa kanyang administrasyon.

Ang ETG ay magpapatuloy sa naiwang tungkulin ng steering committee na may layong paikliin ang proseso ng aplikasyon ng mga namumuhunan sa proyektong may kinalaman sa enerhiya. Napaso na kasi ang termino ng steering committee noong Marso ng taon.

Pinasalamatan ng senador ang pangulo sa pagpapahalaga sa EVOSS upang labanan ang red tape sa sektor ng enerhiya na nagiging balakid sa pag-usbong ng mga bagong power plant. Si Gatchalian ang punong may-akda sa Senado ng EVOSS.

“Red tape ang problema. Kahit sinong negosyante nagbabalak mamuhunan sa electric power industry ang tanungin natin, ito ang ituturong balakid. Kaya nagkaroon ng ganitong batas na masusing pinag-aralan namin ay para masiguro na magiging mas maiksi ang pagpoproseso ng mga dokumento at mapapabilis ang pagpapatayo ng mga bagong energy projects,” ayon sa chairman ng Energy Committee sa senado. (ESTONG REYES)

146

Related posts

Leave a Comment