FACE MASK AT FACE SHIELD SABAY PA RING GAMITIN

KAILANGANG sabay na gamitin ang face shield at face mask bilang pag-iingat at proteksyon laban sa COVID-19.

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Lunes ng gabi na kailangang sumunod ang publiko sa kanyang payo dahil ibinoto siya ng mga ito bilang lider ng bansa.

Aniya, may mga sektor kasing nagpupumilit na hindi na kailangan gumamit ng face shields subalit giit ng pangulo na pananatilihin niyang requirement ang pagsusuot ng face shields dahil nagmamalasakit siya sa kalusugan at kaligtasan ng mga Filipino.

“Sundin lang ninyo ako. Tutal binoto ninyo akong presidente. Milyon-milyon ang nag-like sa akin, ika nga. So ito it’s an advice I’m giving you because I love you as Filipino,” ayon sa Pangulo.

Aniya pa, dahil hindi naman malinaw kung paano pumapasok ang COVID-19 sa katawan ng isang tao, makabubuti na magkaroon ng karagdagang “layer of protection” mula sa infection.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng pangulo na “inconvenient” ang paggamit ng face shields, subalit mas mabuti na aniya ito kaysa sa magsisi sa huli.
Bukod sa paggamit ng face shields, binigyang diin din ng pangulo ang kahalagahan ng palagiang paghuhugas ng kamay kapag nakikipag-ugnayan sa ibang tao.

“It is not discourteous nowadays to wash your hands in public after shaking the hands. It’s not bastos because that is really the measure that is needed by the times,” anito.

Kaya nga, hinikayat ng punong ehekutibo ang publiko na magpabakuna na laban sa COVID-19, sabay sabing ang virus “cannot really prosper” sa oras na ang isang tao ay nabakunahan na.

Nagbabala naman ito sa publiko sa panganib na maaaring kaharapin sa pagtanggi na sumunod sa minimum public health standards.

“Kung ayaw ninyo, well pag nahawaan kayo, lalo na itong Delta, I think you can say goodbye to the world kasi it’s very aggressive, very violent virus that enters your body at uubusin yung lungs mo, pati heart mo,” dagdag na pahayag ni Pangulong Duterte.

Ang planong talunin ang COVID-19, ay hindi magtatagumpay nang walang kooperasyon mula sa mamamayang Filipino.

“We’re trying to control the spread of the virus but we can only do so much. Kailangan kayong mga tao, magsunod talaga sa utos ng gobyerno kasi ito para sa kabutihan ninyo. Hindi ito para sa kabutihan namin,” ayon sa pangulo. (CHRISTIAN DALE)

146

Related posts

Leave a Comment