FACE MASK, FACE SHIELD IBIGAY NANG LIBRE

HINDI na dapat magdalawang-isip ang pamahalaan sa plano nitong mamahagi ng libreng face masks at face shields para mapanatiling protektado ang publiko sa banta ng COVID-19.

Ito ang panawagan ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa Department of Health (DOH) at sa Inter- Agency Task Force (IATF) matapos ang suhestiyon ng medical community sa bansa na ang Metro Manila ay ibalik muli sa enhanced community quarantine (ECQ) upang muli ay maibsan ang pagdagsa ng mga pasyente sa pampubliko at pribadong pagamutan, at ang pagkakaantala umano ng naturang quarantine measures ay maaaring magdulot nang pagbagsak ng pambansang health system.

Ipinunto ng health force sector na ang pagkakahawa-hawa sa COVID-19 ay patuloy na tumataas dahil sa pagdagsa ng mga tao sa kalye na humahalo sa mga taong positibo at nasa mga pampublikong lugar.

Ayon kay Revilla, habang patuloy ang pamahalaan sa pagtimbang sa pagitan ng muling pagpapatupad ng ECQ at pagsalba sa lokal na ekonomiya ay makabubuting unahin muna ang kaligtasan ng bawat Filipino.

“Marami sa ating mga kababayan ang nanggigitata na ang face mask pero ginagamit pa rin dahil sa kawalan ng pambili, kaya para makasiguro tayo na hindi tayo magkahawa-hawa ay ang gobyerno na mismo ang mamahagi ng face mask at face shield,” ayon kay Revilla.

Binigyang diin pa ng senador na kung ipatutupad ang naturang aksiyon, ang pamamahagi ng face mask at face shield ay maaaring ipagkatiwala sa local government unit (LGU), na mas mabuti kumpara sa pagtugis araw-araw sa ating mga kababayan na hindi nagsusuot nito. (NOEL ABUEL)

137

Related posts

Leave a Comment