LARO NGAYON:
(FOSHAN, CHINA)
7:30 P.M. — PHILIPPINES VS ITALY
(NI JJ TORRES)
FOSHAN, China — Malalaman na ngayong gabi kung magbubunga ang tatlong buwang paghahanda ng Gilas Pilipinas, sa pagharap nila sa koponan ng Italy sa pagbubukas ng FIBA World Cup sa Foshan International Sports and Cultural Center ditto.
Alas-7:30 ng gabi ang laro, na ayon kay national head coach Yeng Guiao, ay dedetermina kung makapapasok ang Gilas sa second round ng global competition.
Laban sa Italy, mapapasabak ang Pinoy dribblers laban sa NBA players na sina Danilo Gallinari ng Oklahoma City Thunder at Marco Belinelli ng San Antonio Spurs.
Naka-lineup din sa Italy ang naturalized player na Jeff Brooks at mga European-based players na sina Amedeo Della Valle, Alessandro Gentile, Paul Biligha, Luca Vitali, Daniel Hackett, Ariel Filloy, Amedeo Tessitori, Awudu Abass at Luigi Datome.
Inamin ni Guiao na nararamdaman na niya ang pressure dahil sa kahalagahan ng nasabing unang laro.
Kailangang makakuha ng top two finish ang Gilas sa Group D, para makalusot sa second round at mapalakas ang tsansa nila na mag-qualify sa Tokyo Olympics bilang highest-ranked team ng Asya.
Pagdating ditto kamakalawa, agad konting pahinga lang at sumalang na sa ensayo ang Gilas. Maging kahapon ay nag-ensayo pa rin ang tropa ni Guiao, bago hinarap ang media para sa press conference.
Magiging susi para sa Gilas ang perimeter shooting na naglarawan sa tune-up games nila kamakailan.
Ayon kay Guiao, mananalo ang Gilas kung papasok ang kanilang mga tira sa labas.
Bagama’t wala sina Marcio Lassiter at Matthew Wright sa 12-man lineup dahil sa injuries, umaasa si Guiao na mapupunan ito nina Paul Lee, Robert Bolick at Kiefer Ravena, maging ang naturalized player na si Andray Blatche.
Kaugnay nito, inaasahang manonood si Pangulong Rodrigo Duterte sa laro ng Gilas, matapos na dumalo sa opening ceremony ng World Cup sa Beijing.
Naririto ang Pangulong Duterte para sa isang bilateral talks sa lider ng China.
