FIBA WORLD CUP SA AGOSTO, KUMUSTA NA?

MY POINT OF BREW

NAPAKAGANDA ang nangyari sa atin, ilang linggo na ang nakalipas, nang bawiin natin ang kampeonato sa basketball sa 32nd Southeast Asian Games na ginanap sa Cambodia. Ang buong bansa ay nagsaya. Puno ng drama ang nangyari sa Gilas Pilipinas patungo sa finals ng men’s basketball laban sa koponan ng host country.

Sentro ng usapan ay ang mga player ng Cambodia. Anim o pito yata sa kanilang manlalaro ay mga Amerikano at pinayagang maglaro para sa nasabing bansa. Naglabas kasi ng garapalang polisiya ang host country na pinapayagan ang isang banyaga na maglaro sa pamamagitan lamang ng isang ‘temporary passport’. Sa totoo lang, naging katatawanan ang ginawa ng Cambodia bilang host country ng SEA Games.

Kaya naman, inihayag ni Philippine Olympic Committee President Abraham ‘Bambol” Tolentino na napagkasunduan ng SEA Games Federation members na hindi na mauulit ang pang-aabuso ng regulasyon na garapalang papabor sa isang host country. Ang 33rd SEA Games ay gaganapin sa 2025 sa Thailand.

Balik tayo sa usapang basketbol sa Pilipinas. Sa pagwawagi ng Gilas Pilipinas laban sa mga Amerikanong mersenaryo na naglaro sa koponan ng Cambodia, tila naabswelto na si Chot Reyes sa inis at batikos ng karamihan ng netizens, bilang coach ng Gilas Pilipinas.

Dalawang taon na tiniis ni Reyes ang mga insulto laban sa kanya. Marami ang nagduda sa kakayahan niyang mag-coach nang matalo ang Gilas laban sa Cambodia sa kanilang unang salpukan. Subalit sa mga susunod na laro, nanalo ang Gilas sa Indonesia na tumalo sa atin noong nakaraang SEA Games at tinalo nila ang Cambodia upang muling maging kampeon, tila pinatunayan ni Reyes na mali ang mga nagdududa sa kanyang kakayahan bilang coach ng Gilas Team.

Tapos na ang pagdiriwang. Ang mas malaking hinaharap natin ay ang matagumpay na pag-host ng FIBA World Cup nitong darating na Agosto. Ang laban na ito ay mas mahigit pa sa Gilas Pilipinas. Ang laban na ito ay tungkol sa reputasyon ng Pilipinas.

Ngayon lang mangyayari na tatlong bansa sa Asya ang magho-host ng nasabing torneo na kinikilalang pinakamahalagang torneo ng FIBA o International Basketball Federation na ginaganap tuwing apat na taon. Ang Pilipinas, Indonesia at Japan ang mga mag-host nito, kung saan sa Pilipinas gaganapin ang championship.

Isang malaking karangalan ito sa ating bansa. Magtutulungan ang ating pamahalaan at ang Samahang Basketbol ng Pilipinas upang tiyakin na matagumpay ang pagtatanghal nito sa ating bansa.

Kaya ang laban na ito ay higit pa sa Gilas Pilipinas. Huwag na tayo mag-ilusyon na siguradong makalulusot tayo sa Group Phase kung saan kasama natin sa Group A ang mga bansang Angola, Dominican Republic at Italy. Makadalawang panalo tayo ay maaari nating masabi na tagumpay na ang ginagawang preparasyon ng Gilas Pilipinas para sa FIBA World Cup. Maging number one tayo sa Group A ay maituturing nang bonus.

Kaya makiisa tayo at suportahan natin ang SBP at ang pamahalaan sa kanilang preparasyon patungong Agosto para sa FIBA World Cup.

185

Related posts

Leave a Comment