SA gitna ng kabi-kabilang problemang kinakaharap ng pamahalaan, isang direktiba ang inilabas ni Finance Secretary Benjamin Diokno – gawing mas agresibo ang koleksyon ng pondo sa hangaring lapatan ng solusyon ang hamon ng makabagong panahon.
Sa kanyang kautusan, hinikayat ni Diokno ang Bureau of Customs (BOC) at iba pang revenue-generating government agencies na paspasan ang digital transformation program ng pamahalaan upang mas mapadali ang pagtukoy ng mga pribadong kumpanyang sa buwis ay pumapalya o nandaraya.
Ayon pa sa Kalihim, malaking bentahe sa target ng pamahalaan isulong ang agresibong tax collection upang palawakin ang tinawag niyang “financial inclusion” ng Pilipinas sa talaan ng mga bansang tumataas ang antas ng ekonomiya.
Sa panig ng BOC, tiniyak naman ng pamunuan na ganap nilang maipapatupad ang 100% digitalization ng kanilang kawanihan sa loob ng isang taon. Batay sa pinakahuling ulat ng ahensya, nasa 156 sa 170 proseso (katumbas ng 91.76%) ang “fully-digital” na.
Anila, mas madali na nila ngayon natutukoy ang mga importer at exporter na pumapalya o nandaraya sa pagbabayad ng buwis at taripang kalakip ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento.
Patunay nito, dagdag ng BOC, ang mga Customer Care centers (CCC) na itinaguyod ng nakaraang pamunuan sa 17 district collection offices na pinangangasiwaan ng naturang ahensya.
Bukod sa mas pinadaling proseso, nilimitahan na rin anila sa ilalim ng umiiral na “digital process” ang mata-sa-matang transaksyong karaniwang humahantong sa korapsyon.
Malayo sa dating kawanihan, bukas na rin anila ang aklat ng transaksyon ng BOC.
Pagtitiyak naman ni acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, prayoridad ng kanyang tanggapan ang ganap na implementasyon ng Philippine Customs Modernization Program. (JOEL AMONGO)
180 