DINAKMA ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU) ang isang lalaking ‘fixer’ sa loob mismo ng compound ng nasabing ahensiya, matapos itong ireklamo ng extortion ng kanyang biktima.
Kinilala ni NBI Officer-in-Charge (OIC) Director Eric B. Distor, ang suspek na si Mark Endaya Cabal.
Nadakip ang suspek makaraang ireklamo ng biktimang itinago sa pangalang “Kiko.”
Salaysay ng biktima, nakilala niya si Cabal sa labas ng kuhanan ng clearance.
Nakasuot aniya ng NBI polo shirt ang suspek kaya agad niyang nilapitan para magtanong kung saan siya maaaring kumuha ng clearance.
Nag-alok umano ng tulong si Cabal sa biktima para kumuha ng NBI clearance at nang beripikahin ang rekord nito, sinabi ng suspek na mayroong naka-pending na drug case at warrant of arrest si Kiko.
Binantaan nito ang biktima na siya ay aarestuhin kapag hindi nagbigay ng P100,000.
Nagpaalam muna ang biktima at sinabing maghahanap siya ng pera at babalik kinabukasan.
Pagbalik ng biktima kinabukasan ay ibinigay nito ang P40,000 kay Cabal.
Ngunit hindi pa nasiyahan ang suspek at nagpaputuloy sa pagbabanta na dadamputin ang biktima at posibleng mapatay pa umano dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Nangako naman ang biktima na maghahanap ng P60,000 at ibibigay sa suspek sa loob ng isang linggo.
Gayunman, nagpasya ang biktima na dumulog sa NBI-SAU makaraang payuhan ng ilan nitong mga kaibigan.
Noong Pebrero 3, ikinasa ang entrapment operation sa NBI headquarters parking lot.
Pagkaabot ng pera ay agad inaresto ang suspek ng nakaposisyon na mga tauhan ng NBI.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang tatlong sachet ng shabu at nang beripikahin ay nadiskubreng ito ay may kasong robbery extortion at estafa. (RENE CRISOSTOMO)
125
