PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
DAHIL sa katakot-takot na isyu ng korapsyon kontra opisyales ng Bayan, napapanahon na magpasa ng Freedom of Information (FOI) law ang ating mga mambubutas este mambabatas.
Opo dear readers, matagal nang inupuan sa Kongreso ang FOI Bill e panahon pa ng administrasyon ni dating Presidente Fidel V. Ramos na umabot sa second reading at sa Senado, tinalakay rin ang panukala, pero walang nangyari at hindi na uli napag-usapan.
Minalas lang at inabutan ng pandemyang COVID-19 ang huling dalawang taon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagpursige na maipasa ang FOI Bill.
Madalas noon na nanawagan si Duterte sa Kongreso at Senado na bago siya bumaba sa tungkulin, maipasa ang FOI Bill na tinawag niya na “urgent Legislative measure.”
Madalas ngang panawagan noon ni PRRD sa mamamayan ay tumulong laban sa masasamang taong gobyerno dahil ika nga niya, hindi lang trabaho ng matatapat na public official ang pagsawata sa korapsyon: kailangan, mahalagang-mahalaga ang tulong, suporta at tiwala ng taumbayan.
Gustong-gusto nga ito na gawin ng publiko, pero paano nga kung itinatago, sinisira o ayaw ibigay ang mahahalagang impormasyon na kailangan ng bayan.
Ginagamit ang Data Privacy Law sa pagtangging maglabas ng impormasyon na hinihingi ng mga grupong nais tumulong laban sa kabulukan sa gobyerno at pribadong sektor.
***
Sa Section 7 kasi ng ating 1987 Constitution ay matinding pinahahalagahan ang karapatan ng tao na mabatid ang mga impormasyon o kaalaman na may kinalaman sa interes ng madla.
Mahigit na 30 taon na ang nakalipas e nanatiling bulag, pipi at bingi ang Senado at Kamara sa kahilingan ng madla na isabatas na ang kani-kanilang version ng FOI.
Dahil walang FOI Law, sobrang hirap po na mabigyang pagkakataon ang taumbayan na magkaroon pagkakataon na makakuha ng impormasyon tungkol sa trabaho, transaksyon na pinapasok ng ating public official.
‘Di ba sabi e, “Public office is a public trust.”
Dahil kapos sa transparency at accountability ang ating public servants, ito ay nakatutulong sa mga tiwali na mailihim sa madlangbayan ang korupsiyon, kawalang-silbi nila sa tungkulin.
Dahil sa kapos sa impormasyon, may takip at itinatago sa mata ng publiko ang mahahalagang transaksyon may kinalaman sa interes ng bayan at ng bansa, ano ang nangyayari?
Hindi magawa ng taumbayan na makalahok sa kilusang magpapabago ng talamak na katiwalian, kainutilan ng mga korap at kasabwat ng mga taong gobyerno na ginagamit ang kapangyarihang bigay sa kanila ng mamamayan.
Madalas, may panawagan na sumali, kumilos ang publiko sa paglaban sa korupsyon, pero paano ito gagawin kung kapos, kulang sa impormasyon.
‘Yung simpleng request sa State of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng bayan e hirap na hirap nang maibigay, lalong mahirap makakuha o pahirapan pa bago maibigay ang mahahalagang impormasyon tungkol sa mga transaksyon, kontrata at negosyong pinapasok ng taong gobyerno.
E kasi nga pati Ombudsman ay kumokontra sa pagbibigay sa media ng SALN ng mga public official.
At kahit na may sariling version ng FOI sa mga siyudad at munisipalidad, dumaraan pa rin sa butas ng karayom ang publiko na mabigyan ng mga dokumento at iba pang impormasyong may kaugnayan sa interes ng bayan.
Kung may makuha man, kulang o mga walang kuwentang impormasyon ang inilalabas sa publiko, ito ay lalo na kung ang impormasyon ay tungkol sa katiwalian o kawalang-silbi o makupad na kilos ng mga taong gobyerno sa tungkulin.
Matagal nang inaamag at ‘di tinatalakay sa Kamara at Senado ang FOI at kung ano-ano lang batas ang inaaprubahan na maipatupad man, walang silbi at pahirap sa taumbayan.
***
Mahalaga sa bawat mamamayang Filipino na maipasa na ngayon sa panahon ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang FOI Bill, para sa batas na ito, malaya at magaang makakukuha ng mga impormasyon ang madlangbayan sa tatlong sangay ng gobyerno – sa ehekutibo, lehislatura at sa hudikatura.
Kung may FOI law, magagampanan ng mamamayan ang karapatan malaman kung paano ginagampanan ng halal at hinirang na tao sa gobyerno ang kanilang pananagutan at tungkulin sa bayan.
Magpapalakas ito sa taumbayan na hingiin ang bukas at lantad na kilos at pananagutan mula sa pamahalaan.
Kung may FOI Law, walang magagawang itago at ilihim ng mga sangay ng gobyerno ang mahahalagang dokumento at maoobliga na makakuha ng mga impormasyon kailangan ng taumbayan.
Kung nabigo ang administrasyon ni PRRD na maipasa ang FOI Bill, sana, sabihan na ngayon ni PBBM ang mga kakamping kongresista at senador na ipasa na ang FOI Bill at malagdaan na para maging ganap na batas.
Dapat itong FOI ay maging prayoridad na ni PBBM, ngayon na!
Sana rin ang LGUs ay magpasimulang magsagawa ng konsultasyon sa bayan upang malaman ang mga dokumentong kailangan at dapat na mabilis na maipasa sa mga tao, at magpalabas ng regulasyon para sa bukas at lantad na paghahayag ng mga gawain, programa, transaksyon, programa at proyektong pambayan.
Matapos ito, agad ay magpasa ang mga pamahalaang lalawigan, pamahalaang siyudad at munisipalidad ng kani-kanilang Freedom of Information Ordinance.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisma@yahoo.com
