“HUWAG KANG MAGNANAKAW”

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

MATAGAL ko na itong itinatanong sa sarili ko. Bakit ang Pilipinas na itinuturing na tanging Kristiyanong bansa sa Asya – sa populasyong 115.8 million (2024), ang 85.6 million at kasapi sa simbahang Katoliko Romano – ay laganap ang korapsyon sa gobyerno? Kabi-kabila ang garapalang dekwatan sa pondo ng pamahalaan na mula sa buwis ng taong-bayan. Oo nga at may mga nakawan din sa pribadong sektor, sa iba’t ibang antas ng lipunan kahit sa iskwater area, ngunit kulangot lang ang mga salaping nawawala rito kumpara sa mga dinarambong na sanlaksang pisong pondo sa mga ahensya ng gobyerno.

At nitong mga nakaraang araw, muli na namang naging mainit na isyu ang multi-bilyong pisong korapsyon sa mga proyekto ng DPWH ng mga magkakakutsabang opisyales ng ahensya at iba pang sangay ng gobyerno, project contractors, senador, kongresista at iba pang gahaman sa salapi.

Pero hindi lang ngayon sumingaw ang ganitong isyu sa gobyerno. Sabi ko nga sa nakaraang kolum, isa lang itong ingay na ginagasgas na nang panahon. Ibig sabihin ay pabalik-balik na lang pero walang ginagawa ang mga nanunungkulan sa pamahalaan upang wakasan ang dekwatan ng pondo. Totoy pa lang ako ay nababasa ko na sa diaryong English ni erpat ang terminong “graft and corruption”. Nasa ika-pitong dekada na ako sa mundo ngayon pero laman pa rin ng mga balita ang hindi nawawalang dorobohan sa kaban ng yaman ng estado mula sa bulsa ng mamamayan. Patuloy pa rin ang dekwatan na lalo pang lumalala at lumalawak.

Balik tayo sa pagiging Kristiyanong bansa. Linggo-linggo ay napupuno ang ating mga simbahan at kapilya ng ibang relihiyon. Nagdadasal at nakikinig sa pangaral ng pari, dekano, o pastor. Ang ibang simbahan, kapilya at sambahan ay may reserbado pang upuan sa unahan para sa mga opisyales ng gobyerno, mga mayayaman at maimpluwensyang kasapi na malaking magbigay ng abuloy o donasyon.

Ngunit bakit ganito ang sitwasyon sa Pilipinas? Maliwanag ang isang kautusan sa 10 Utos ng Diyos: “Huwag kang magnanakaw”. Binabalewala ang sagradong utos na ito dahil laganap pa rin ang pandarambong kahit saan.

At ang malintik – ang bigtime na pinagsasamantalahan ng mga manderekwat ay ang pondo ng pamahalaan. Sa halip na gastusin ito para sa mga makabuluhang programa at proyekto sa kapakinabangan ng taong-bayan, mas inilaan pa ito sa pagpapagawa ng mga imprastraktura kagaya ng flood control projects para mas madaling hawsyawin at nakawin ang pondo. At dahil inampaw ang pagkakagawa, hindi napipigilan ang malawakang pagbaha na lalo pang nagpahirap sa mga apektadong mamamayan.

Ang mga anomalya sa flood control projects pa lang ang sentro ng isyu. Marami pang ibang proyekto ang dapat ding imbestigahan dahil tiyak na may dekwatan din ng pondo. Andyan ang pagpapagawa ng mga kalsada, tulay, mga gusali ng pamahalaan, ospital, paaralan, farm-to-market-roads, basketball court, kahit waiting sheds, public toilets at marami pang iba. Basta’t pinondohan ng gobyerno, malamang sa hindi, meron itong dekwatan.

Pero ang nakalulungkot at nakapagpapataas din ng kilay – bakit bihirang alagad ng iba’t ibang relihiyon ang nagsasalita laban sa dekwatan at katiwalian sa pamahalaan partikular sa kani-kanilang nasasakupan? Bagama’t merong matatapat na alagad ng simbahan ang bumabatikos sa mga anomalya sa gobyerno ngunit mabibilang mo sila sa daliri. Ang namamayani ay ang katahimikan at garapalang dedmahan maliban na lang kung magpapalabas ng pahayag ng pagkondena ang liderato na obligadong basahin at ipaabot sa publiko.

Inaasahan kong may magagalit na mga alagad ng relihiyon sa pinaksa kong ito. Ngunit kailangan ko itong itanong dahil naghahanap ako ng kasagutan.

Now, sa mga korap na tauhan, opisyales ng gobyerno, senador, kongresista, lokal na opisyal hanggang barangay kasama na ang Sangguniang Kabataan at mga kasabwat nila sa pribadong sektor, partikular ang mga kontratista sa pamahalaan na katulad kong Katoliko Romano – maski na araw-araw kayong sumimba, magkumpisal, lumunok ng ostia, gasgasin ang tuhod sa kaluluhod at mag-abuloy ng sangdamakmak na kwarta sa paborito ninyong pari at obispo, kung patuloy naman kayo sa inyong pagnanakaw – bukas, bababa si Kristo sa kanyang pagkakapako at pagtatatadyakan kayo!

##########

May isang popular na salita si dating US President Thomas Jefferson: “The government you elect is the government you deserve.” Sa sitwasyon ng ating bansa ngayon ay walang karapatang magreklamo ang mga Pilipino dahil mga korap, manderekwat, abusado, mangdedenggoy, mamamatay-tao ang mga nanunungkulan sa pamahalaan.

Tandaan natin – TAYO ang nagluklok sa kanila sa puwesto noong iboto sila sa eleksyon. Kaya ganito ang gobyerno ay dahil hindi tayo marunong pumili ng kandidatong karapat-dapat sa panunungkulan.

May pag-asa pa bang magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa ating gobyerno para sa kapakinabangan ng mamamayan? Masakit mang aminin ay parang suntok na ito sa buwan. Dahil batay sa resulta nang nakaraang halalan, marami sa mga nanalong kandidato, partikular sa Senado at Kongreso, ay iisa ang kartada – mga politikong ang hangad lang ay kapangyarihan at kayamanang kakawing sa kanilang pusisyon.

God save the Philippines…

38

Related posts

Leave a Comment