IBINANDERA ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) ang solusyon para maibaba ang presyo ng bigas sa abot-kayang presyo ng nakararaming maralita.
Iniyabang ang P29 kada kilo ng bigas na tinawag na Bigas 29 ng DA at NFA na ibebenta sa pamamagitan ng Kadiwa Center na masasabing murang bigas sa mababang kalidad.
Yes, dear. Ang bigas, ayon sa Amihan National Federation of Peasant Women ay ang dating ‘bukbok’ rice na matagal nang nakaimbak sa bodega ng ahensya.
Nakalulungkot isipin dahil karamihan sa mga bumibili nito ay ang mahihirap na kababayan na pinagkakasya lamang ang kakapiranggot na pera makaraos lang sa gutom.
“Makikita ang kainutilan, kapabayaan at pagiging kontra-mahirap ng gobyernong ito na kahit lumang bigas ay ibebenta at ipakakain sa mga maralitang konsyumer. Kung gusto nilang magbenta ng murang bigas, dapat maayos ang kalidad at hindi parang mumo na walang choice ang mga maralita kundi sumunod sa kagustuhan nila,” ani Zenaida Soriano, tagapangulo ng Amihan.
No choice ‘ika nga dahil sa taas ng presyo ng bigas sa mga palengke na umaabot sa P55 kada kilo, pinapatulan ng mahihirap na mamamayan ang kung ano lang ang inihahain ng gobyerno sa mga maralita.
Kaliwa’t kanan ang papogi ng mga taong gobyerno na nagsasabing nalunasan ang hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng bigas. Nalunasan nga ba? Paano kung hindi na dapat pang ipinakakain ang ‘bukbok’ rice? Paano kung magkaroon ng masamang epekto sa kalusugan ang pagkain nito? Tiyak na dagdag-problema pa ito ng kakain ng luma at pinagpipiyestahan ng mga bukbok na bigas.
Solusyon nga ba ito o dagdag-problema pa sa mamamayan?
“Kung nais maging abot-kaya ang bigas, nanatili pa rin ang panawagan na palakasin ang lokal na produksyon, ibig sabihin, kung may political will dito, hindi aabot na magbebenta sila ng lumang bigas lalo na kung may komprehensibong plano dito para sa pagbili ng palay sa mga magsasaka at pagbebenta ng abot kaya at de-kalidad na bigas sa mga palengke sa bansa,” ayon pa kay Soriano.
Nakadidismaya rin ang tugon ng gobyerno na sa halip palakasin ang lokal na produksyon ng bigas ay ang pagbaba ng taripa sa imported na bigas ang ibinaba sa 15 porsyento mula sa 35 porsyento.
Huwag naman sana paglaruan ng gobyerno ang mamamayan, higit ang mga naghihirap, sa paglatag ng kakaining bigas na pangunahing pagkain sa hapag.
Tila pang-iinsulto pa sa mahihirap ang pag-alok ng ‘bukbok’ rice na sinasabing solusyon ng DA at NFA.
Kayong mga nakaupo sa pwesto, kaya n’yo bang kainin o ipakain sa inyong pamilya ang ‘bukbok’ rice?
P29/kilo ng bigas na ‘yan, bet n’yo?
