SUSURIIN din ng National Bureau of Investigation (NBI) ang cellphones ng mga respondent sa Dacera case.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ito ang susunod na aksyon ngayong tapos na ang forensic examination ng NBI sa katawan ng flight attendant na si Christine Dacera.
Plano ng digital forensic team na busisiin at analisahin ang mga datos ng mobile phones ng mga itinuturing na “persons of interest” sa pagkamatay ni Dacera.
Ani Guevarra, NBI na ang magpapasya kung isasapubliko o hindi ang resulta ng eksaminasyon.
“The NBI has completed its forensic examination of tissues obtained from the subject’s remains. It is currently coordinating with the Makati Medical Center on related issues,” ayon kay Guevarra.
Matatandaang hinawakan ng Department of Justice (DOJ) ang kaso ni Dacera at inatasan ang NBI na magsagawa ng sariling imbestigasyon makaraang pumalpak ang imbestigasyon at isinampang kaso ng pulisya ng Makati laban sa labing isang akusado.
Ibinasura ng piskalya ng lungsod ng Makati ang kasong “rape” at “murder” laban sa labing isa dahil kulang ang ebidensiyang iniharap ng pulisya.
Nagpasya ang piskalya na magsagawa ng “preliminary investigation” upang makakuha ng mga ebidensyang magpapatunay na ginahasa at sadyang pinatay si Dacera.
Ngunit, nagkaroon ng problema sa preliminary investigation dahil ang tinukoy ng pulisya na taong naglagay umano ng ilegal na droga sa ininom ni Dacera ay “tinakot ng pulisya” upang sabihing
mayroong inilagay na droga sa ininom ng biktima.
Nauna nang isinalang sa polygraph test o ‘lie detector test’ ang 12 sa POIs upang makatulong sa imbestigasyon ng NBI.
Bukod dito, lima sa kanila ay boluntaryong nagpasailalim sa drug test at negatibo ang resulta na nagpapatunay na hindi sila gumagamit ng ilegal na droga.
Gayunman, hindi pa rin inaalis ng NBI ang anggulong ‘party drugs’ sa pagkamatay ng biktima.
Si Dacera ay namatay pagkatapos magdaos ng New Year’s Party, kasama ang kanyang mga kaibigan sa City Garden Grand Hotel sa lungsod ng Makati.
Sa kasalukuyan, anim na buwang suspendido ang operasyon ng City Gardens Grand Hotel makaraang kanselahin ng Department of Tourism (DOT) ang accreditation nito bilang quarantine facility.
Ayon sa DOT, bilang isa sa quarantine facilities na binigyan ng permit ng kagawaran ay hindi dapat naglulunsad ng party, anomang uri ng mass gathering ang hotel.
(NELSON S. BADILLA/RENE CRISOSTOMO)
