FPA ng DA Inutil sa pagtaas ng fertilizer MAGSASAKA UMAARAY NA SA GUTOM

PINAIIMBESTIGAHAN sa mababang kapulungan ng Kongreso ang Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) na attached agency ng Department of Agriculture (DA) dahil sa pagiging inutil na maproteksyunan ang mga magsasaka sa bansa.

Sa House Resolution (HR) 1961 na inakda ni Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat, nais nitong imbestigahan ang nasabing ahensya dahil mistulang walang magawa ang mga ito sa patuloy na pagtaas ng fertilizer na ginagamit ng mga magsasaka.

Ayon sa mambabatas, hindi pa nakababangon ang mga magsasaka sa pagbaba ng presyo ng bigas matapos ipatupad ang Rice Tariffication Law noong 2019 ay nalulugmok naman ang mga ito sa hindi mapigil na pagtaas ng presyo ng abono at pesticides.

“The high cost of fertilizers is an added burden to the Filipino farmers who have consistently been put in the most disadvantaged and vulnerable position, prompting them to resort to securing loans that they can barely pay due to the accrued interests or borrowing at usurious rates from private individuals,” ayon sa mambabatas.

Ginawa ng mambabatas ang resolusyon dahil umaabot na umano sa P1,320.72 ang bawat bag ng Urea fertilizer mula sa sa P1,044.65 noong Enero 2021 kaya lalong nalulubog sa utang ang mga magsasaka.

Ayon naman sa Bantay Bigas, umaabot umano sa P450 ang itinaas ng presyo ng naturang fertilizer kumpara noong Disyembre 2020 na naglalaro lang sa P870 kada bag subalit ngayon ay umaabot na ito sa P1,300 sa Nueva Ecija.

“Umaaray ang mga magsasaka sa sobrang laki ng taas-presyo (ng fertilizer),” ayon naman kay Amihan secretary general at Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo. (BERNARD TAGUINOD)

136

Related posts

Leave a Comment