Gabay ni Sec. Pangandaman sa ICI probe tutukoy kung sino ang ‘kumalikot’ sa NEP, GAA

AGARANG tatalima si Budget Sec. Amenah Pangandaman sa imbitasyon ng Independent Commission for Infrastructure na “gabayan ng DBM” ang imbestigasyon sa pagtukoy kung paano gumalaw ang pondo ng gobyerno sa mga gawaing bayan na umano’y nilapastangan ng mga korap na opisyales ng gobyerno sa pakipag-sabwatan ng mga tiwaling kontraktor.

Kinumpirma ni Pangandaman na natanggap niya ang pormal na imbitasyon mula sa ICI para dumalo sa isang pulong sa darating na Oktubre 14, 2025.

Layunin umano ng nasabing pagpupulong na tulungan ng DBM ang imbestigasyon ng Komisyon na magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa proseso ng pambansang badyet at matiyak na ang pagpapatupad ng mandato nito ay naaayon sa umiiral na mga batas, jurisprudence, at administrative guidelines.

Sa pormal na liham na may petsang Oktubre 7, 2025 ay hiniling ng ICI ang presensya ni Pangandaman at ng mga pangunahing opisyal ng DBM upang talakayin ang mga pamamaraan kaugnay ng National Expenditure Program at General Appropriations Act, kabilang ang mga proseso sa pagpapalabas ng pondong tinawag na “unprogrammed.”

Ayon sa Komisyon, ang inisyatibang ito ay tugon sa ulat at reklamo ng umano’y mga iregularidad, maling paggamit ng pondo, at ang posibleng katiwalian sa ilang proyektong pinondohan ng pamahalaan, partikular sa mga flood control project.

“Ang ganitong mga insidente ay naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng publiko at nagpapahina sa tiwala ng mamamayan sa mga institusyon ng pamahalaan,” paliwanag ng ICI sa liham nito kay Pangandaman.

Binigyang-diin din ng ICI na tungkulin nilang panatilihin ang katapatan, integridad, at pananagutan sa lahat ng proyektong may kinalaman sa imprastruktura. Nangako rin ang Komisyon na papanagutin ang sinumang opisyal o mga indibidwal na mapatunayang sangkot sa katiwalian o kaya’y gawaing nakapipinsala sa interes ng bansa.

Sa kanilang liham, binigyang-linaw ng Komisyon na ang pangunahing layunin ng pag-imbita kay Pangandaman ay upang makakuha ang ICI probers ng “authoritative guidance” mula sa DBM hinggil sa NEP at GAA, lalo
na sa mga proyektong may kaugnayan sa mg ghost o substandard na infrastructure projects at sa mga galaw ng unprogrammed funds.”

Malugod namang tinanggap ng DBM chief ang imbitasyon at binigyang-diin niy ang kahalagahan ng ugnayan sa pagitan ng mga oversight at implementing agencies upang maisulong ang transparency at epektibong paggamit ng pondo ng bayan.

“The DBM fully supports the ICI’s mission to promote transparency, integrity, and accountability in infrastructure spending, in the spirit of open governance and public trust,” pahayag ni Pangandaman.

Dagdag ng kalihim: “Patuloy ang DBM sa pagbibigay ng malinaw at matibay na gabay hinggil sa mga patakaran at proseso ng pambansang badyet, alinsunod sa itinatadhana ng NEP at GAA.

Giit niya na ang pakikipag-ugnayan at info-sharing sa pagitan ng mga institusyon ay mahalaga upang maiwasan ang iregularidad sa pagpapatupad ng mga proyekto, mapalakas ang disiplina sa paggasta, at mapabuti ang kalidad ng serbisyo ng pamahalaan.

71

Related posts

Leave a Comment