Insurgency-free status ng Upi hugot sa suporta ng Marcos admin at Japan-UNDP

BARMM — Pormal nang idineklara bilang insurgency-free ang bayan ng Upi sa Maguindanao del Norte matapos nitong makamit ang Stable Internal Peace and Security (SIPS) status, isang mahalagang tagumpay na iniuugnay ng mga lokal na lider sa matagal na pagtutulungan ng pambansang pamahalaan, mga pwersang panseguridad, mga komunidad, at mga international development partner.

Itinuturing ang deklarasyon ng Upi bilang insurgency-free na isang mahalagang tagumpay sa normalization track ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) na nagpapakita ng patuloy na pag-usad ng mga hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Ang deklarasyong ito ay dulot ng patuloy na pinagtitibay ng administrasyong Marcos ang suporta nito sa prosesong pangkapayapaan sa Bangsamoro. Kasabay nito, isinusulong ng mga programang suportado ng pamahalaan ng Japan at ng United Nations Development Programme (UNDP) ang pagpapalakas ng seguridad at kabuhayan sa mga komunidad na naapektuhan ng armadong tunggalian.

Isa sa mga programang binigyang-diin sa seremonya ay ang Assistance for Security, Peace, Integration and Recovery for Advancing Human Security in BARMM (ASPIRE) Project, isang programang pinondohan ng Japan at ipinatutupad ng UNDP na nagtataguyod ng maayos na pamamahala ng small arms and light weapons (SALW) kasabay ng mga inisyatiba para sa kapayapaan at kabuhayan.

Paulit-ulit nang tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga lider ng Bangsamoro ang patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan sa pagpapatibay ng kapayapaan sa rehiyon.

“I assure the BTA and all the Bangsamoro people of this administration’s full and unwavering commitment to the peace process and the BARMM,” sabi ng Presidente.

Binigyang-diin din ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo Jr. ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng iba’t ibang sektor upang mapanatili ang katatagan sa rehiyon.

“The progress we have seen in BARMM is a product of cooperation, trust, and shared vision. The national government and the President remains fully supportive of the region’s transition efforts, and we look forward to deeper collaboration to uplift the lives of our fellow Filipinos in the Bangsamoro,” ani Lagdameo.

Ayon kay Upi Mayor Ma. Rona Cristina Piang-Flores, bunga ng maraming taong sama-samang pagsisikap ang pagkilala sa bayan bilang insurgency-free.

“Today not only marks the culmination of this meaningful program, but the beginning of bigger opportunities and renewed hope for every family and the community in Upi. Over the past three years, the ASPIRE Project demonstrated the power of partnership, commitment, and shared responsibility toward building a safe, productive, and peaceful community,” dagdag pa ni Flores.

Sa ilalim ng ASPIRE Project, nagsimula noong Nobyembre 2024 ang mga hakbang sa pamamahala ng SALW sa Upi. Naitala sa programa ang 648 baril, kabilang ang 490 kusang isinuko ng mga may-ari at 158 na sumailalim sa stenciling, na nagpapakita ng mas malawak na pakikilahok ng komunidad sa mga hakbang para sa kapayapaan.

Nanatiling pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan sa Upi ang agrikultura. Tahanan ito ng mga komunidad na Moro, Indigenous Peoples, at Settlers. Bilang bahagi ng programa, tumanggap ng tulong-pangkabuhayan ang mga lumahok sa inisyatiba, kabilang ang mga kagamitang pangsakahan, agricultural inputs, mga kagamitan sa pagkakarpintero at pananahi, motorsiklo, at iba pang suporta para sa pagkakakitaan.

Nakatanggap din ang lokal na pamahalaan ng mga makinaryang pang-agrikultura at kagamitang pang-transportasyon upang makatulong sa pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran.

Ayon sa mga lider ng Bangsamoro na dumalo sa seremonya, ipinakita ng karanasan ng Upi kung paano mapatitibay ang seguridad sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng komunidad at mga programang pangkabuhayan.

Umaasa si Bangsamoro Transition Authority (BTA) Member of Parliament Ramon Piang Sr. na maisasagawa rin ang mga kahalintulad na programa sa iba pang bahagi ng rehiyon.

“I hope that ASPIRE will be replicated throughout BARMM. I also acknowledge the community members who voluntarily turned in their weapons. One message is clear: you want a peaceful life. After years of witnessing violence, we want peace as we navigate the ongoing peace process in the region,” saad ni Piang.

Sinabi naman ni Maguindanao del Norte Governor Datu Tucao Mastura na ipinakita ng inisyatiba kung paano maaaring magtulungan ang mga programang pangkaunlaran at mga hakbang panseguridad sa mga komunidad na dati nang apektado ng kaguluhan.

Samantala, sinabi ni Aliudin Harron, Head of Secretariat ng Joint Normalization Committee ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), na nakasalalay ang pangmatagalang kapayapaan sa inklusibong pamamahala at pagkakaroon ng mga oportunidad sa kabuhayan.

“Reaching this level of peace was only possible because every sector stepped up and contributed. We’ve seen that peace becomes much more stable and lasting when it is built on a foundation of livelihoods, education, essential services, and a government that includes everyone,” sabi ni Harron.

Ayon sa mga opisyal, ipinapakita ng deklarasyon ng Upi bilang insurgency-free kung paano nakatutulong ang disarmament efforts, mga programang pangkabuhayan, at pagtutulungan ng mga lokal, pambansa, at internasyonal na katuwang sa pagtataguyod ng pangmatagalang katatagan sa BARMM.

Dumalo sa seremonya ang mga kinatawan mula sa 6th Infantry Division ng Philippine Army, Police Regional Office-BARMM, Joint Peace and Security Committee, Joint Normalization Committee, Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), mga lokal na opisyal, at mga lider ng komunidad.

97

Related posts

Leave a Comment