(NI DAVE MEDINA)
NAGBABALA ang Department of Energy (DOE) na mas tataas pa ang presyo ng produktong petrolyo sa buwan ng Abril.
Pinunto ng DOE na apektado ang presyuhan ng produktong petrolyo dahil sa sanction na ibibigay ng United States of America (USA) sa bansang Iraq na pinakamalaking exporter o tagaluwas ng crude oil na pinanggagalingan ng gasolina, krudo, kerosene at iba pang by-products ng petrolyo.
Ayon sa DOE, mahirap ng hindi matuloy ang pagpapatupad ng Amerika na sanction sa Iraq.
Gayunman, hindi nasisiraan ng loob ang DOE at umaasa sila na gagawa ng hakbang ang Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) at mga kaalyado para hindi lubusang magmahal ang presyo ng langis.
Kaugnay nito, pinayuhan ng DOE ang mga motorista na maging masinop sa pagkunsumo ng produktong petrolyo.
Pinaalaala ng DOE na meron namang maaasahang ayuda mula sa gobyerno tulad ng mga discount na ibinibigay sa “Pantawid Pasada Program” na ibinibigay sa mga pampublikong transportasyon.
Malaki naman umanong tulong ng gobyerno sa mga namamasada ang ‘Pantawid Pasada Program’.
Nauna rito, kahapon ay nagpatupad ng taas presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis.
Ayon sa DOE, ang panibagong galaw sa presyo ng petrolyo ay bunsod ng pagbabawas ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa sobrang produksyon nitong nakalipas na taong 2018, at ang kakaunting produksyon ng Venezuela dahil na rin sa sanction na ipinatupad ng US.
218