ANIM na magkakahiwalay na kargamentong naglalaman ng mga ibinibidang gamot kontra COVID-19 ang nasabat ng operatiba ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan.
Sa pagtatala ng BOC, aabot sa halagang P29.33-milyong halaga ng kargamentong naglalaman ng 146,600 kahong Lianhua Qingwen Jiaonang ang nasabat ng kawanihan.
Ayon sa BOC, nakatanggap ang kanilang tanggapan ng impormasyon hinggil sa paglapag ng mga kargamentong naglalaman ng mga tinaguriang Chinese traditional medicines na walang kaukulang clearance mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang mga kargamentong pinadaan sa Paircargo.
Pagdating ng mga nasabing kargamento, agad itong isinailalim sa Pre-Lodgement Alert Order at physical examination kasama ang mga kinatawan mula sa Chamber of Customs Brokers Inc. (CCBI), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement Security Services (ESS).
Bigo namang matunton ang sinasabing consignee ng mga nasabing kargamento.
Agad na kinumpiska ang mga pinaniniwalaang gamot kontra COVID-19 batay sa probisyon ng umiiral na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), at Food and Drugs Act.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Port of NAIA District Collector Carmelita Talusan na
patuloy ang kanilang ginagawang paghihigpit sa paliparan bilang pagtugon sa direktiba ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
KASO INIHAIN VS. YOSI SMUGGLERS
KASONG kriminal ang isinampa ng Bureau of Customs (BOC) laban sa dalawang importers na nagtangkang magpuslit ng mga pekeng sigarilyo sa bansa kamakailan.
Personal na inihain ng mga kinatawan ng Bureau Action Team Against Smugglers (BATAS) sa Department of Justice (DOJ) ang mga asunto laban sa Gold Link International Subic Inc. at Lion King Industrial Corporation para sa misdeclaration ng P14.9 milyong kabuuang halaga ng kargamentong pinadaan sa mga pwerto sa Subic at Maynila.
Sa tala ng BOC, misdeclaration at unlawful importation (smuggling) ang naging basehan ng kawanihan sa isinampang asunto sa Gold Link International Subic Inc. para sa tangkang pagpupuslit ng P111-milyong halaga ng mga palsipikadong sigarilyo sa Port of Subic nito lang nakaraang buwan ng Hunyo.
Pasok din sa asunto ang Lion King Industrial Corporation para naman sa tangkang pagpapalusot ng mga klasipikadong P3.8-milyong halaga ng hazardous chemicals sa Manila International Container Port noon ding buwan ng Hunyo.
Kabilang sa mga inihaing kaso laban sa Gold Link International Subic Inc. ang paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, National Tobacco Administration (NTA) Board Resolution 079-2005, National Tobacco Memorandum Circular No. 03, s. 2004, at maging ang Intellectual Property Code of the Philippines.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa CMTA, Republic Act 6969 (Act To Control Toxic Substances And Hazardous And Nuclear Wastes), DENR Administrative Order 1992-29,
at Chemical Control Order (CCO) ang Lion King Industrial Corporation.
Sa tala ng BOC, may kabuuang 73 asuntong kriminal dawit ang 237 katao ang naisampa ng BOC sa DOJ. (JOEL AMONGO)

176