SWAK sa selda ang isang Tsinoy na pinuno umano ng isang crime group, at ang kanyang kanang kamay nang makumpiskahan ng baril at shabu sa Caloocan City.
Kinilala ang mga suspek na sina Ronel Oliva y Uy, 31, at Jomar Fausto y Villagracia, 42-anyos.
Ayon sa ulat, may nagsumbong sa mga awtoridad na nasa Taguig St. sa Brgy. 35, Maypajo dakong alas-8:00 ng gabi noong Hulyo 13, ang armadong si Oliva at nakikipagkwentuhan sa kasamang lalaki.
Dagling tinungo ng mga pulis ang nasabing lugar at inabutan ang suspek na nakaupo sa motorsiklong walang plaka at nakadungaw ang puluhan ng kanyang nakasukbit na baril.
Nang hanapan ng dokumento ang nasabing armas, walang naipakita si Oliva kaya’t agad dinakip ang suspek at kinumpiska ang Smith & Wesson Magnum 22 revolver na may kargang tatlong bala, dalawang sachet ng umano’y shabu pati ang motorsiklong walang plaka.
Nagtangka namang tumakas si Fausto ngunit kinwelyuhan ng mga parak at nang kapkapan ay nakuhanan ng tatlong sachet ng umano’y shabu kaya’t kasama siyang binitbit sa presinto.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang may dagdag na kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act si Oliva. (ALAIN AJERO)
165 