PANGASINAN – Hindi umubra ang kasong isinampa ng misis sa kanyang mister na umano’y adik matapos itong tuluyang patahimikin nang pagsasaksakin sa loob ng kanilang silid, iniulat nitong Miyerkoles ng umaga sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Jennelyn Qumiang habang tinutugis naman ang suspek na si Reynaldo Catungal Loresco, kapwa residente ng Brgy. Cablong sa bayan ng Sta. Barbara sa lalawigan ng Pangasinan.
Batay sa report ng Sta. Barbara Police Station, dakong alas-3:00 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa loob ng kuwarto ng mag-asawa sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa sa hindi nabatid na dahilan na nauwi sa pananaksak na ikinamatay ng biktima.
Kuwento ng mga anak ng biktima, narinig nilang nag-aaway ang kanilang mga magulang ngunit makalipas ang ilang minuto ay bigla na lamang tumahimik.
Nang lumabas sila sa kanilang kuwarto ay nakita nila ang ama habang hinuhugasan ang duguang mga kamay.
Pagkaraan ay nakita nila ang kanilang ina habang duguang nakahandusay at wala nang buhay.
Agad humingi ng tulong sa mga awtoridad ang mga anak ngunit mabilis na tumakas ang ama lulan ng motorsiklo.
Nauna rito, sinampahan ng biktima ang suspek ng kasong paglabag sa Violence Against Women and their Children (VAWC) dahil sa pananakit sa kanya ngunit umuuwi pa rin umano ang ama sa kanilang bahay.
Ayon pa sa pulisya, kabilang ang suspek sa drug personalities sa bayan ng Sta. Barbara. (ANNNIE PINEDA)
703 