(NI BERNARD TAGUINOD)
WALANG plano si outgoing House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na magbigay payo sa mga miyembro ng 18th Congress lalo na sa mga bagitong mambabatas na dumaraan ngayon sa seminar upang malaman ng mga ito ang kanilang magiging trabaho sa Kamara.
Sa isang ambush interview, tumanggi si Arroyo na magbigay ng payo dahil alam na umano ng mga mambabatas, lalo na ang mga datihan at nagbabalik Kongreso kung ano ang dapat nilang gawin para sa ikakabuti ng bayan.
“I am not going to be part of the next Congress so I don’t want to presume to give advice to the next batch. I am very confident that they will do what’s good for the country,” ani Arroyo.
Sa ngayon ay abala ang mga bagitong mambabatas sa pagsasanay bago sumabak sa aktuwal na trabaho simula sa Hulyo 22 na simula ng 18th Congress o karaniwang tinatawag na August Chamber.
Unang sinabi ni House Secretary General Roberto Maling na aabot sa 145 ang mga baguhang mambabatas o ngayon pa lamang naging congressmen sa kanilang buhay.
Halos kalahati ito sa tinatayang 305 miyembro ng 18th Congress na naghahanda na sa kanilang magiging trabaho sa susunod na tatlong taon.
Si Arroyo ay tuluyang bababa bilang House Speaker sa tanghali ng Hunyo 30, 2019 kung saan unang sinabi nito na gugugulin niya ang kanyang oras sa pagsusulat ng kanyang memoir.
Maliban dito, plano din umano ng dating Pangulo na maging adviser sa lalawigan ng Pampanga upang matulungan ang kanilang probinsya sa pag-usad.
